Earth-balling ng puno: tama ba?
- Details
- Hits: 1095
Naging mainit ang usapin sa gagawing expansion ng SM City Baguio Mall na tinutulan ng iba’t ibang grupo. Ang gagawing expansion ay kinabibilangan ng paglalagay ng parking lot kung saan 182 na pine trees ang tatanggalin at ililipat sa ibang lugar. Nagpalabas na ang Regional Trial Court Branch 6 sa Baguio City ng tatlong araw na temporary restraining order na nagpapahinto sa anumang development activity sa SM.
Sinasabi ng SM na kailangan ang expansion hindi lamang para sa paglalagay ng parking lot kundi para proteksiyon na rin sa mall dahil sa pangamba na maapektuhan ang structural integrity nito dahil sa soil erosion. Sabi naman ng mga eksperto, mas malaki ang maitutulong ng mga puno kung ang mga ito ay pababayaan na lamang sa kanilang lugar dahil sa malaking kabutihang naibibigay nito sa ating kalikasan. Nakatutulong din ang mga puno para pigilan ang soil erosion na siyang pinangangambahan ng SM.
Paliwanag naman ng SM, ililipat lang nila ang mga puno sa paligid sa pamamagitan ng “earth-balling”. Ang Earth-Balling ay isang alternatibo sa tree-cutting. Imbes na putulan lamang ang mga eto, hinuhukay ang puno kasama ang ugat para pwede pang itanim sa ibang lugar. Ayon sa DENR, mataas naman daw ang survival rate ng mga punong na-earth-ball pero dapat sundin lamang ang guidelines. Sabi naman ng kabilang panig, walang katiyakan na mabubuhay ang mga ililipat na puno sa pamamagitan ng earth-balling dahil sa ayon sa mga pag-aaral ng mga eksperto, mas mababa pa sa 17% ang survival rate ng mga inilipat na earth-balled trees lalo na kung ang katawan ng mga ito ay may sukat na mula sa 15 cm palaki. Tama lamang ang ganitong pamamaraan kung bata pa ang mga puno o iyung tinatawag na seedlings pa lamang. Ang tawag nga nang iba ay “earth-balling to die”.
May pahayag pa ang SM sa pamamagitan ng kanilang Supermalls vice president for Operations na si Mr. Bien Mateo na ang gagawing konstruksyon “will not harm the trees” dahil sa kumuha sila ng mga eksperto para matiyak na isang siyentipikong pamamaraan ang susundin sa gagawing earth-balling. Ang SM ay isa sa mga malalaking kumpanya sa Pilipinas. Marami din silang mga proyekto na tumutugon sa pagpapahalaga ng kalikasan. Kung anuman ang kanilang dahilan para alisin ang mga puno ay dapat idaan ito sa isang malawakang kunsultasyun. Hindi lamang ito ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng SM. Nauna na yung pagpapatayo nila ng gusali sa Katipunan, na inayawan mismo na Ateneo de Manila. Dapat siguro maging sensitibo din ang SM sa kagustuhan ng komunidad para maiwasan ang hindi pagkakaintindihan.
Marami na tayong nakitang ganitong pamamaraan ng pagtatanggal ng puno sa tuwing may gagawing kalsada o pagtatayo ng gusali. Dito na lamang sa kahabaan ng Quezon avenue sa Quezon city, may mga puno silang tinanggal at binalot sa earth-ball at marami rin silang pinutol dahil sa pagpapalapad ng kalsada. Sinasabi ng mga kontratista na magtatanim sila ng puno sa ibang lugar bilang kapalit ng mga punong tinanggal. Ang kailangan malaman ay ano ang survival rate ng mga puno na tinanggal o na-“earth-balled”. Dapat meron na ring monitoring at evaluation para may basehan at tunay na ehemplo para maging kampante ang mga mamamayan. Tumataas na ang pagbibigay ng importansya ng mga Pilipino sa ating mga puno. Maganda itong senyales lalo’t ang puno ang isa nating sandata laban sa climate change. Kung halos maubos na ang ating gubat dahil sa kawalan ng pagpapahalaga ng mga puno, pumapasok na ang panahon kung saan ang kalikasan naman ang bigyan ng pansin at pagpapahalaga. Hindi lang sa ngayon kundi para sa kinabukasan.
Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
April 17, 2012