KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Climate of Change para 2012

Bagong Taon, bagong pag-asa.  Tuwing lumilipas ang isang taon, pinapagpag natin ang malas sa iba’t-ibang paraan. May sumisigaw, meron naman nagtotorotot pero ang nakasanayan na nating mga Pilipino ay ang magpaputok. Kahit ilang beses ipaalala ng DOH ang pinsala na maaaring idulot ng pagpapaputok, marami pa ring pasaway.  Kalamitan natututo lamang kung tayo na mismo ang naging biktima. Walang sinumang nagnanais na may masaktan pero minsan kailangan daanan at maging dahilan sa pagbabago. 

Nitong nakaraang taon, marami na rin tayong nakitang pagbabago.  Lalo na sa pagtugon sa climate change sa pamamagitan ng pag-aproba ni Presidente Benigno Aquino ng kauna-unahang National Climate Change Action Plan o NCCAP.  Naipasa na rin ang Disaster Risk Reduction plan.  Pero ang mga planong ito ay mawawalan ng silbi kung ang pananaw natin ay tulad pa rin ng dati – mahina sa implementasyun. 

Sa dalawang planong ito inilatag ang iba’t-ibang estratihiya para tugunan ang climate change at disasters.  Hindi lamang ito plano pang-gobyerno kundi pati na rin mga polisiya para makatulong sa pribadong sector.  Dahil ang pagtugon sa climate change ay kakailanganin ang partisipasyon ng halos lahat ng sektor. 

Ang NCCAP ay mayroong pitong strategic priorities o mga pangunahing pamamaraan para maiwasan o mabawasan ang mga panganib at pinsalang dala ng climate change.  Isa na rito ay ang matiyak ang seguridad ng tao (Human Security).

Ang Human Security sa NCCAP ay naglalaman ng mga pagkilos na nagbibigay halaga sa sama-sama at tugmang pagkilos sa Disaster Risk Reduction (DRR) at Climate Change Adaptation (CCA) para mas mabawasan ang  nakaambang panganib sa ating seguridad.  Inuumpisahan nang ipatupad ang ilan sa mga plano sa pamamagitan ng paglalaan ng budget para sa 2012.  Isa sa pinakamalaking budget na inilaan ni Pangulong Aquino ay ang pagpapalaganap ng early warning systems at magkaroon ng mapa na mas malinaw at detalyado pa ang resolusyon  nang sa gayon ay mas madaling makita ang mga lugar na maaaring nasa panganib hanggang sa barangay level. Ang mapa na meron tayo ngayon ay hanggang provincial level lamang. Ideneklara ng pangulo ang total log ban at inaprobahan niya ang National Greening Program kung saan magtatanim ng milyung-milyong puno, na maituturing ding flood control, isang uri ng climate change adaptation. 

Isa sa itinutulak ng NCCAP ay magkaroon ng pag-aaral ng bulnerabilidad o vulnerability assessment ang mga proyeko ng gobyerno para hindi masayang ang pondo na ginamit sa mga ito.  Halimbawa, kung alam natin na ang isang lugar ay bahain, di na dapat itong patirahan.  Magiging responsibilidad ng lokal na pamumuno na ipatupad ito at ang sinumang bumalewala ay maaring maparusahan ng pagkabilanggo ayon sa Disaster Risk Management Act of 2010.

Maliban sa tumitinding bagyo, ang dalawa pang epekto ng climate change ay ang sea level rise at pag-init o increase in temperature.  Kulang pa tayo ng pagsusuri kung ano ang magiging epekto ng pag-init ng dagat sa ating pangingisda.  Kaya ito ay pagtutuunan ng pansin sa taong 2012 kasama ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa pamumuno ni Atty. Asis Perez. 

Seryoso po ang gobyerno ni Pangulong Aquino sa pagtugon sa climate change.  Naniniwala kami sa Climate Change Commission na ang climate change ay kaya nating tugunan. Lahat tayo ay may kanyang-kanyang tungkulin tungo sa iisang hangaring – isang bayang handa. 

Ituring po natin ang mga bagyong mapaminsala na paputok ng ating inang kalikasan.  Ugaliin na po nating respetuhin ang ating kalikasan sa pamamagitan ng pagpapairal ng tunay na klima ng pagbabago. 

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 736-11-71 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
January 03, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17