KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
Adaptation fund: ito na nga ba ang tugon sa ating paghahanda sa climate change?
- Details
- Hits: 853
Kalagitnaan ng tag-init, umuulan sa Metro Manila at ilang karatig na lalawigan sa katimugan. Sa isang kalatas na pinalabas nitong Lunes ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabi nito na patuloy na makararanas ang bansa ng pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat dahil sa isang “frontal system” na nagdadala ng makapal na ulap.
Iba na talaga ang lagay ng ating panahon. Kaya naman, dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya para mapangalagaan ang ating komunidad at kaligtasan nating lahat. Dapat na matugunan natin ang panganib na dala ng climate change. Dapat na magkaroon tayo ng mga adaptation programs na magtuturo sa atin kung paanong mabuhay ng ligtas sa gitna ng climate change.
Para matulungan ang mga umuunlad na bansa na maisagawa ang kanilang adaptation programs, ang Secretariat ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ay nagsagawa ng tatlong araw na Workshop to Familiarize Parties with the Process and the Requirements for the Accreditation of National Implementing Entities for Direct Access under the Adaptation Fund for the Asia and Eastern Europe Region. Naisagawa ito sa pakikipagtulungan ng Adaptation Fund Board (AFB) at ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Climate Change Commission at ginanap noong Marso 19 hanggang 21, 2012 sa Manila Peninsula at dinaluhan ng mahigit sa 60 kinatawan mula sa 34 na bansa.
Ang Adaptation Fund ay itinatag para pondohan ang mga adaptation projects and programs ng mga umuunlad na bansa na lumagda sa Kyoto Protocol . Ito rin ang mga bansang madaling maapektuhan ng climate change. Pero tulad natin, maliit lamang ang ating naging kontribusyon sa problema sa patuloy na global warming na siyang dahilan ng climate change. Kaya’t ang pagtulong sa mga umuunlad na bansa ay isang malaking paghamon sa samahan ng nagkakaisang bansa, lalo na’t ang adaptation ay nangangailangan ng malaking halaga.
At para makinabang ang isang bansa sa tulong na ibinibigay ng Adaptation Fund (AF), kailangan muna nilang magtalaga ng isang tinatawag na National Implementing Entity (NIE) na pwedeng tumanggap ng pondo mula sa AF. Sa ngayon, may 10 bansa ang nakapagtalaga na ng kanilang mga NIEs. Ang ating bansa naman ay kumikilos at gumagawa na ng hakbang para maitalaga ang ating NIE. Tinututukan po ng inyong Climate Change Commission ang gawaing ito at inaasahan natin matukoy an gating NIE sa malapit na hinaharap.
Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwederinninyokamingtawagansaamingopisinasa 736-11-71 at 735-31-44.
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
March 27, 2012