KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Ugaliin ang pagtitipid ng kuryente

Ang pagsisikap ng ating pamahalaan na makatulong para mabawasan ang greenhouse gases (GHGs) sa ating atmosphere ay lalong pinag-ibayo nang magkasundong magsama-sama ang Climate Change Commission, Department of Budget and Management (DBM), Department of Energy at Bank of Philippine Islands (BPI) sa isang proyekto na naglalayong matiyak ang maayos na paggamit ng kuryente sa mga tanggapan ng pamahalaan.  Ang pagsasama ay nakapaloob sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kung saan ang Commission ang mangunguna sa pagpapatupad ng proyektong tinawag na Sustainable Energy Efficiency Program.

Sa simula, ipatutupad ang proyekto sa ilang piling opisina ng pamahalaan kung saan tutulong ang BPI sa pag-inspeksyon sa mga opisinang ito para makita kung paano ginagamit dito ang kuryent. Ang mga opisinang ito ang magsisilbing modelo sa ilalim ng naturang proyekto.  Ang DBM naman ang mag-aasikaso sa mga bidding para sa mga suppliers at siya rin ang susukat kung gaano kalaki ang natipid ng pamahalaan sa kuryente.  Ang DOE naman ang gagawa ng monitoring mechanisms para matiyak ang aktwal na naipon sa ilalim ng proyekto.

Tayo rin sa ating mga bahay ay pwedeng magsagawa ng pagtitipid sa kuryente, hindi lamang para makatulong sa pagbabawas sa GHG kundi para makatipid din sa ating mga gastusin. Halimbawa na lamang po ay ang simpleng pagpapalit ng ilaw sa ating mga bahay.  Kung gumagamit pa kayo ng mga bumbilya (incandescent bulb) o fluorescent lamps ay palitan na ito ng CFL (Compact Fluorescent Lamp).  

Sa pagtatantiya kasi ng Meralco, ang isang bumbilya na 25W ay mga P63.00 ang dagdag sa inyong bayad sa kuryente buwan-buwan samantalang ang isang 18W na CFL bulb ay nasa P46.00 lamang.  Ang laki nang diperensya, di po ba? Isa pa, ang mga TV sets ngayon ay may stand-by power, ibig sabihin, kung tapos na kayong manood ay pipindutin nyo lamang ang ‘power’ botton sa inyong remote control at ‘patay’ na ang TV.  Kung gusto nyo namang manood ulit ay pipindutin nyo lamang ulit ito. Pero hindi ninyo siguro alam na may tumatakbo pang kuryente sa inyong TV set maski na ito ay naka-‘off’.  Kung inyong mapapansin, may maliit na pulang ilaw na makikita sa bandang baba ng inyong TV.  Ibig sabihin, may kuryenteng tumatakbo sa inyong set.  Mawawala lang ito kung huhugutin ang kurdon ng TV sa outlet.

Kaya mas mabuti na hugutin na lamang sa outlet ang kurdon ng TV, maging ng iba pa ninyong mga electrical appliances kung ang mga ito ay hindi naman ninyo ginagamit.

Marami pa pong mga paraan kayong magagawa para makatipid sa inyong kuryente at makatulong sa pagbawas GHG na siyang dahilan nang pagbabago ng ating klima. Ugaliin natin ang pagtitipid.

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
June 05, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17