KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Seguro sa pananim para sa ating food security

Isa sa mga layunin ng ating pamahalaan ay ang magkaroon tayo ng food security sa gitna ng banta ng climate change. Isa sa mga paraan na ginagawa ay ang pagpapalawak sa ating programa sa seguro sa pananim o crop insurance. Kamakailan, isang kasunduan ang pinirmahan ng Department of Agriculture-Philippine Crop Insurance Corp. at Department of Agrarian Reform. Ito ay ang “Agrarian Reform Beneficiaries-Agricultural Insurance Program (ARB-AIP).” Sa ilalim ng programang ito, naglaan ang pamahalaan ng P17.1B halaga ng seguro para sa mga miyembro ng Agrarian Reform Beneficiaries para sa darating na dalawang cropping seasons.  

Sa ilalim ng programa, may 224,000 miyembro ng ARBs ang bibigyan ng premium subsidy para makasali sa crop insurance programs ng DA-PCIC. Nilalayon ng programa na mabigyan ang mga ARBs ng isang safety net laban sa mga peste at sakit ng tanim at proteksiyon sa pabagu-bagong kalagayan ng panahon (weather patterns) dala ng climate change.

Mayroon ding ginawang report ang climate Change Commission, Oxfam at Institute for Climate and Sustainable Cities (iCSC) na tinatawag na “Braving the Uncertainties of the Weather: Weather Index-based Insurance (WII) as agriculture risk transfer mechanism for climate change adaptation and risk reduction in the Philippines.”

Sinasabi sa report na ito na ang mga magsasaka ay makikinabang ng malaki sa ganitong programa sa seguro dahil sa magiging mabilis na pagbabayad sa kawalan o pinsala na kanilang inabot dahil sa epekto ng climate change. Ito ay possible dahil sa gagamit ng scientific data para sa pagtantiya kung magkano ang ibabayad sa kanila. Halimbawa, pagkatapos ng isang bagyo, titingnan sa weather index kung ang ulan ay humigit sa itinakdang dami, ang hangin ay lumagpas sa takdang bilis, o kaya ang tagtuyot ay humigit sa pamantayan ng isang munisipyo o bayan. 

Sa WII, makatitiyak ang mga magsasaka nang mas mabilis, madaling malaman na bayad.  Hindi na rin nila kailangan pang magbiyahe para mag-follow-up lamang ng kanilang insurance claims. Dito, pwede silang mabayaran sa loob nang 48 oras.

Malaking kawalan ang inaabot ng ating bansa tuwing tatamaan tayo ng bagyo na pinalalakas ng climate change at ang mga magsasaka at mangingisda ang higit na naaapektuhan. Kailangan natin ang isang mas malawak na pamamaraan para matulungan ng mga taong katulad nila hindi lamang dahil sa ito ang kanilang kabuhayan kundi higit sa lahat dito nakasalalay ang ating food security. Ang pamahalaan at ang pribadong sektor ay pwedeng magtulungan para ang WII ay maging mas abot-kaya ng mga tao sa kanayunan.

Para sa inyong mga komento o mungkahi, mangyaring ipadala ang mga ito sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang mga ito sa aming facebook account (climate change commission) at twitter account (@CCCommissionPh).  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa telepono bilang 735-31-44 at 735-30-69.

 
  

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
January 22, 2013

CC Consciousness Week 2011

COP 17