KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Mga palatandaan ng climate change sa Pilipinas

Tunay na nakalulungkot ang nangyayari ngayon sa Mindanao. Ang Mindanao ay tinawag natin noon na ‘Land of Promise”.  Ito ay dahil sa kanyang angking likas na yaman at magandang klima.  Ang kanyang mga bundok ay nababalot ng makapal na puno na pinamamahayan ng maraming klase ng hayop at halaman. Ang lupa ay mataba na nakapagbibigay ng magandang ani. Ang kanyang klima ay tamang-tama sa pagsasaka. Mayaman din siya sa ginto at iba pang mineral.

Pero nitong mga nakalipas na ilang taon, nagbago ang ihip ng hangin. Ang bagyo na dati-rati ay nagbibigay lamang nang tamang ulan, ngayon ay nagiging madalas at mapaminsala.  Gaya na lamang noong nakaraang 2011 kung kailan ang Cagayan de oro City at Iligan City ay sinalanta ng bagyong Sendong. Nitong nakaraang taon, ang bagyong Pablo ay nagbigay nang malaking pinsala sa Compostela Valley at nitong nakaraang linggo, ang Davao City ay nalubog sa baha. 

Anupa’t kung titingnan ang Mindanao pagkatapos ng mga sakunang ito, inyong masasabi na ang dating “Land of Promise” ay nagmukhang “Land of Misery”.

Sa bandang itaas naman ng ating bansa, nagkaroon na rin nang pagbabago sa klima.  Gaya halimbawa sa Batanes.  Dati-rati, ang probinsiyang ito ay binabayo ng malalakas hangin at ulan na dala ng bagyo.  Pero nitong mga nakalipas na taon, napansin ng mga tagaroon na humihina na ang tama sa kanila ng mga bagyo.  

Marami ng lugar sa atin ang nakararanas ng pag-iiba ng klima o epekto nito.  Sa isang bayan sa Siargao Island, may ilang beses nang umurong mula sa tabing dagat ang mga naninirahan doon. Ito ay dahil sa tumataas na lebel ng tubig-dagat. Napapansin din ng mga magsasaka na lumiliit ang bunga ng mga niyog at basta nalalaglag na lamang ang mga ito.

Ang El Niño at La Niña ay pinalalala rin ng climate change.  Noong 1997, dahil sa sobrang init na dala ng El Niño, nagkaroon sa atin ng coral bleaching. Ang coral cover ng El Nido sa Palawan, halimbawa, ay bumaba sa 5%-10% coral cover mula sa dating 60%-70%.

Sa kabuuan, ang climate change ay nagbibigay sa atin nang malakas na bagyo sa panahon ng tag-ulan at matinding init sa panahon ng tag-araw. Marami ang nagsasabi na ito na raw ang bagong “norm” sa atin. Sabi ng PAGASA (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration), mula 1951 hanggang 2006, ang ating maximum temperature ay tumaas ng 0.35oC samantalang ang ating minimum temperature ay tumaas din ng 0.89oC. Ang ating mean temperature, sa kabilang dako, ay tumaas din sa 61oC. Napapansin din ninyo siguro ang pagkakaroon natin nang madalas na mainit na araw at maalinsangang gabi at ang pag-igsi ng malamig na gabi at araw. Naramdaman ba ninyo ang lamig nitong nagdaang panahon nang kapaskohan? Anupa’t damang-dama na natin ang epekto ng climate change. Malaking bahagi ng problemang ito ay gawa natin kaya’t tayo rin ang makagagawa ng paraan para ito mapigil.  Makiisa tayo sa mga programa ng pamahalaan na naglalayon na mabawasan ang greenhouse gas emission na siyang dahilang nitong climate change.

Para sa inyong mga komento o mungkahi, mangyaring ipadala ang mga ito sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang mga ito sa aming facebook account (climate change commission) at twitter account (@CCCommissionPh).  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa telepono bilang 735-31-44 at 735-30-69.

 
 
  

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
January 29, 2013

CC Consciousness Week 2011

COP 17