KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

GREENERATION: Kabataan susi sa paglaban sa climate change

Nakatutuwa at tunay na maipagmamalaki ang karangalang nakukuha ng ating mga kabataan sa maraming larangan gaya ng palakasan, sining at teknolohiya. 

Gaya halimbawa ni Wesley So na sa murang edad na 14 anyos ay naging isang chess grandmaster.  Si So ang ika-walong pinakabata na nabigyan ng titulong gandmaster sa kasaysayan ng chess. Sa ngayon, siya ay pumapang-apat sa mga manlalaro sa under-20 category at pang-104 sa buong mundo. Talaga namang mapapabilib ka sa kanya lalo na kung makikita mo na nakikipagtagisan siya ng galing sa kapwa grandmaster na ang edad ay doble sa kanya. 

Noong nakaraang Disyembre naman, 11 estudyante natin, lima ay galing sa San Juan de Letran Calamba at anim sa Grace Christian College Quezon City, ang nag-uwi ng Silver Medal sa idinaos na 14th International Robot Olympiad (IRO) na ginanap sa Gwangju,South Korea.  Ito na ang pinakamataas na panalo na ating nakuka sa taunang  international robotics competition na ito. 

Noong nakaraang taon din, tatlong estudyante natin ang nanalo International Mathematical Olympiad (IMO).  Sila ay sina Kenneth Tan ng Philipine Science High School at Mikaela Angeline Uy ng St. Jude Catholic School na  nanalo ng Bronze Medal samantalang si Henry Jefferson Co Morco ay binigyan ng Honorable Mention. Ang IMO ay isang pangdaigdigang kompetisyon sa mathematics para sa mga estudyante sa high school at ginagana taun-taon sa iba’t ibang bansa. 

Sa larangan naman ng sining, ang Mandaluyong Children’s Choir ay nanalo ng Gold C and Silver B Medals sa kategoryang Folklore and Chamber Choir categories at idineklarang Category Winner sa Open Equal Voices category kung saan sila ay nag-uwi ng Silver B Medal.  

Nakabibilib, di po ba?

Marami pa tayong kabataan na tulad nila.  Sila at ang mga tulad nila ang inaasahan natin na makatutulong para matagumpay nating maharap ang lahat ng mga problema na kinakaharap ng ating bansa, gaya halimbawa ng climate change. Sa ngayon, isinusulong ng climate Change Commission ang isang maituturing na kilusan – ang GREENERATION (Generation for a Greener Nation) – sa lahat ng paaralan sa buong bansa.  Nilalayon nito na makatulong ang kabataan, at pangunahan nila sa kanilang paaralan at komunidad, ang mga programa na isinasagawa ng ating pamahalaan para labanan at mapigil ang climate change.

At natutuwa po tayo sa pagtanggap ng kabataan sa ating hamon. Marami ng paaralan, mga unibersidad at kolehiyo, ang nagtayo ng kani-kanilang samahan o grupo na makakalikasan at may mga programa o pagkilos na tumutugon sa ating pamamaraan para labanan ang climate change.  Patuloy po tayo sa ating pag-ikot sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa para palawakin ang GREENERATION.

Para sa inyong mga komento o mungkahi, mangyaring ipadala ang mga ito sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang mga ito sa aming facebook account (climate change commission) at twitter account (@CCCommissionPh).  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa telepono bilang 735-31-44 at 735-30-69.

 
  

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
February 12, 2013

CC Consciousness Week 2011

COP 17