KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Greeneration: Hamon sa mga kabataan

Bunga ng pag-unlad ng siyensya at teknolohiya, naglabasan ang mga produktong gaya ng ipad, tablet, computers, iba’t ibang klase ng cellphones, at kung anu-anong electronic devices o gadgets na pinagkakalokohan ninyong mga kabataan.  Kayo ha, madalas nakikita na lang kayo sa kung saang sulok, abalang-abala sa paglalaro o kaya ay pakikipagkwentuhan sa barkada, gamit ang cellphone, tablet o ipad. Maski na siguro kayo ay nasa bahay na ninyo ay ganoon pa rin ang ginagawa ninyo.  

Maraming naitutulong na mabuti ang mga ganitong gamit sa ating buhay at ang ilan sa mga ito ay napapabilis ng mga ganitong gamit ang trabaho at madali din nating nakakausap ang isang tao kahit na siya ay nasa ibang bansa. Masasabi nating ang mga electronic gadgets na ito ay kasama na sa pang-araw-araw na buhay natin lalo na kayong mga kabataan pero kung hindi ninyo ito babawasan ay magiging dahilan para mapabayaan ninyo ang inyong pag-aaral o kaya maging dahilan pa inyong kapahamakan.  Marami na tayong nabalitaan na mga batang nakikipag-eyeball sa ka-chat o textmate na naging biktima ng rape. 

Marami pa kayong magagawang mas mahalaga kaysa sa unli na pakikipag-chat, call o text. Sumali sa isinusulong nating Greeneration movement sa inyong paaralan. Ang Greeneration – Generation for a Greener Nation – ay kumakatawan sa mga kabataan na responsible at makakalikasan.  Sila ay nakahandang tumulong at pangunahan ang anumang programa para mapigil ang climate change. 

Gamitin ninyo sa mas magandang paraan ang inyong mga electronic gadgets. Iyan ang aking hamon sa inyo. Yayain  ninyo ang inyong mga kabarkada o mga kaklase na sumali sa Greeneration o kaya ay bumuo kayo ng isang greeneration group sa inyong paaralan o kaya sa inyong barangay. Mag-post kayo sa inyong facebook account, halimbawa, ng isang imbitasyon para sa pagbuo ng Greeneration group. O kaya, yayain ninyo ang inyong mga kaibigan sa pamamagitan ng email o text. 

Ilan lang iyan sa makabuluhang paggamit ng inyong mga electronic gadgets. Marami pang paraan na higit ninyong mapapakinabangan ang mga mamahaling gamit na iyan. Kailangan lamang ninyong tuklasin gaya nang pagtuklas ninyo sa mga bagong games, bagong gimik sites at bagong kakilala. Ingat lamang.

Kung kailangan ninyo ng gabay para sa pagbuo ng greeneration group sa inyong paaralan o lugar, mangyaring kontakin ako sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang mga ito sa aming facebook account (climate change commission) at twitter account (@CCCommissionPh).  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa telepono bilang 735-31-44 at 735-30-69.

 
  

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
February 19, 2013

CC Consciousness Week 2011

COP 17