Paghahanda: Bagong Taon, Bagong Pananaw

Ang pagsalubong sa bagong taon ay idinadaos sa buong mundo at ang bansang isla ng Kiribati at Samoa ay siyang unang-una na sasalubong nito, at ang isla ng Hawaii na sakop ng Amerika naman ang pinakahuli.

Ibat-iba ang naging tradisyun sa buong mundo para salubungin ang bagong taon, pero ang Pilipinas lang marahil ang bukod tangi na ang mga ospital, lalo na ang emergency rooms, ay naghahanda rin pero sa ibang kadahilanan.  Ayon sa mga tala, ang bagong taon ay ang pinaka-busy dahil sa mga nasaktan dulot ng mga paputok.  Ayon sa Department of Health, hanggang noong Disyembre 21, may naitala na silang 77 kaso ng mga taong nasaktan dahil sa paputok. Ito ay mas mababa ng 36% kung ikukumpara sa 116 kaso na naitala sa gayon ding panahon noong nakaraang taon.  Pagkatapos ng selebrasyon,  nagkakaroon naman ng kaso ng mga respiratory disease tulad ng asthma dulot ng mga usok na galling sa mga paputok.

Dahil na rin siguro sa paulit-ulit na pagpaalala, naiba na ang paghahanda sa salubong. Nauso na kasi ang mga countdowns, tulad sa Makati, kung saan ang lokal na pamahalaan ay nag papa-concert bago salubungin ang taon at mayroon pang isang malaking fireworks display na propesyonal na sinasagawa. Ganoon na rin sa Pasay at ilang malalaking syudad.  Ito ay dinadayo ng mga pamilya, at di na kailangan pang bumili ng mga paputok.  ‘Ika nga, iwas paputok, iwas disgrasya.

Ito ang gusto nating mangyari sa pagsalubong sa bagong taon, lalo na sa pagbabago ng klima.  Halos taun-taon na mula 2008, nakita natin kung gaano mapaminsala na ang mga bagyo kung hindi tayo naghahanda.  Noong 2008, ang bagyong Frank ay sumira ng mga inprastraktura at kumitil rin ng maraming buhay sa Iloilo at karatig-bayan.  Ang bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009, bagyong Juan noong 2010 na tumama sa northern Luzon, bagyong Sendong noong 2011 na tumama sa Cagayan de Oro, Iligan at karatig-bayan, ang bagyong Pablo noong 2012 na tumama sa Davao Oriental, Compostela Valley at karatig-bayan at nitong 2013 ang bagyong Santi at ang pinakamapaminsala sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang bagyong Yolanda. 

Hindi na maikakaila na kung tatama ang isang katulad ni Yolanda sa malalaking syudad tulad ng Maynila, siguro mas matindi pa ang epekto nito lalo sa pangkalahatang ekonomiya.  Kaya ngayong 2014, mariin nating itulak ang bagong pananaw sa pagpaplano sa kahandaan.  Hindi na lang ang pagbabalik sa dati ang pagpaplano, kundi lalo pang palakasin ang mga inprastruktura at ilisan sa mga lugar na mapanganib ang ating mga kababayan.  Dahil ang pagbabago ng klima ay hindi dapat katakutan, nagiging trahedya lamang ito kung hindi pinaghahandaan ng masinsinan.  Kaya ngayong 2014, patuloy tayong maniniwala na ang pagbabago ng klima ay kayang tugunan, kung tayo ay sama-sama sa pagtugon.  Babangon at babangon ang Pilipinas.  Mabuhay at Manigong Bagong Taon 2014!

  

_________________________
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
December 31, 2013