Diwang Kabayanihan ni José Rizal Marapat Isabuhay sa Kasalukuyang Panahon

June 19, 2020 Friday


MAYNILA, Ika-20 ng Hunyo taong 2020 — Nakikiisa ang Climate Change Commission sa ika-159 na pagdiriwang ng kaarawan ni José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ang katangi-tangi nating Pambansang Bayani.

Sa panahong ito ng pandemya at pagbabago ng klima ating gunitain at bigyang-pugay si Rizal sa kanyang mahalagang ambag na kaalaman sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng Pilipino sa pamamagitan ng pagsulong ng kalusugan ng mamamayan at ng kapaligiran.

Bihasa si Rizal sa napakaraming larangang pangkapaligiran tulad ng pagiging isang agriculturist, botanist, conchologist, horticulturist, ichthyologist, sanitary engineer at zoologist.

Marahil lingid sa kaalaman ng marami, habang nanirahan si Rizal sa Dapitan, tumulong siya sa pagplano ng bayan nang may pagmamalasakit sa kalusugan ng taong bayan at kapaligiran. Kabilang sa kanyang mahalagang kontribusyon ang pagtatayo ng unang sistema ng patubig ng bayan, ang pagtatanim at pagpaparami ng mga puno ng prutas, ang paglikha ng mga kabuhayan mula sa mga proyektong ito, at ang pag-alis sa mga pugaran ng malaria.

Sinaliksik din niya ang mayaman na biodiversity ng lupain sa pamamagitan ng pagkolekta at pagsusuri sa mga uri ng halaman at hayop, insekto, ibon, reptilya, amphibian, isda at shell na natuklasan niya at ipinakilala ang mga ito sa Ethnographic Museum sa Dresden, Germany. Kabilang sa mga species na ipinangalan sa kanya ay ang Apogonia rizali, isang uri ng salagubang, Draco rizali na isang uri ng tutubi, at Rhacophorus rizali na isang uri ng palaka. 

Sa buod, inialay ng ating Pambansang Bayani ang kanyang dunong, panahon at buhay sa ikabubuti at ikauunlad ng lipunang Pilipino. 

Ating ipagpatuloy ang makabayang adhikain ni Rizal. Pahalagahan at paglinangin natin ang kanyang pamana sa sambayanang Pilipino. 

Isabuhay din natin ang kanyang kahanga-hangang katangiang Pilipino na may pagmamahal sa lupang tinubuan at malasakit sa kapaligiran.