Itinampok ang Naka-Aangkop na mga Pamanang Lutuing Pilipino sa Stories for a Better Normal

July 20, 2020 Monday


MAYNILA, Ika-21 ng Hulyo 2020 — Ang ika-siyam na kabanata ng "Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways" ay may paksang “Pamanang Lutuing Pilipino” mula sa iba’t-ibang mga rehiyon ng Pilipinas. Sa isang talakayang pinangunahan ni House Deputy Speaker at Antique Representative na si Loren Legarda, kasama ang mga dalubhasa at tagapagsulong ng pamanang lutuing Pilipino, ipinalabas sa pamamagitan ng Facebook Live ang kahalagahan ng pagsisinop at pangangalaga ng lokal na pamanang lutuing pagkain sa pamamagitan ng angkop na diyeta.

Ang online na talakayan ay dinaluhan nina Gng. Luth Camiña mula sa Camiña Balay nga Bato sa Iloilo; Datu Shariff Pendatun III, chef at may akda ng “On The Cuisine of Muslim Mindanao"; Gng. Amy Besa, tagapagmay-ari ng Purple Yam sa New York; Gng. Louella Eslao-Alix, may akda ng mga aklat na may kinalaman sa pamanang lutuing pagkaing Pilipino; Chef Jam Melchor, tagapagtatag ng Philippine Culinary Heritage Movement at pinuno ng Slow Food Youth Network Philippines; at si G. Arvin Villalon, National Cultural Mapping Facilitator ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Tinalakay ni Chef Melchor ang ibat’t-ibang mga uri ng mga pamanang pagkain dito sa Pilipinas na nakasaad sa ilalim ng Ark of Taste ng the Slow Food Network International. Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagkilala sa gastronomy at Philippine Culinary Arts bilang bahagi ng National Arts.
 
“Napaka-halaga po na pinag-uusapan natin ang culinary heritage, dahil dapat maintindihan na ang pagkaing Filipino ay laging magiging bahagi ng ating kultura. Hindi lang ito pantawid gutom, kundi sadyang bahagi ng ating pagkatao bilang mga Pilipino,” sabi ni Melchor.
 
Ipinaliwanag ni Datu Pendatun ang kakaibang mga sangkap, pampalasa at pamamaraan sa pagluluto sa Muslim Mindanao.

"Sa makatuwid, ang mga lutuing pagkaing mula sa Muslim Mindanao ay iba’t ibang sangay lamang ng iisang pinagmulan ng mga sangkap na ginagamit ng lahat sa loob ng rehiyon. Karamihan sa mga tao ay gumagamit ng niyog, habang ang ibang mga tao ay gumagamit ng galangal, karamihan ay gumagamit ng luya, habang lahat ay gumagamit ng sibuyas at bawang. Silang lahat ay mga kombinasyon o pinagsama-sama lamang kaya nga't kung paano lamang natin to gamitin ang syang nakapagbibigay katangian dito bilang tunay na kakaiba," sabi ni Pendatun.
 
Ibinahagi ni Gng. Besa kung paano ginagamit ng Purple Yam sa kanilang mga putahe ang mga produkto o sangkap na bihirang gamitin ng marami.
 
“Nag-umpisa kami dito sa Amerika, na-influence kami ni Alice Waters, noong 1980s. In-apply namin yung pagmamahal sa cuisine o pagkain, kasi ginawa ng mga Amerikano yun dito...Ganun ang ginawa namin para sa mga putaheng Pilipino at gayun din sa mga putaheng mula sa Timog-Silangang Asya. Lagi tayong nakatingin at lumilingon sa kanluran at hindi natin pinapansin ang ating mga kapitbahay mula sa Timog-silangang Asya kung saan meron talaga tayong pagkakatulad," sabi ni Besa.

Ibinahagi ni Gng. Louella Eslao-Alix ang kakaibang kasaysayan ng mga Cebuano sa pagkain.
 
"Mangangalakal ang karamihan sa mga Cebuano dahil hindi kami maaaring magkaroon ng malalawak na sakahan. May kinalaman ang heograpiya at malaking bahagi ito sa pagpili namin ng mga pagkaing maaari naming kainin kung kaya't mas gusto namin ang mga pagkaing lamang dagat," sabi ni Alix.

Ibinahagi ni Gng. Camiña ang lokal na mga sangkap na ginagamit sa mga pamanang putaheng Ilonggo na inihahain ng Camiña Balay nga Bato.
 
"Ang Iloilo ay isa sa mga pangunahing pinagmumulan at pinagkukunan natin ng bigas dahil ito'y sadyang lugar na pang agrikultura. Noong binuksan namin ang Camiña Balay nga Bato, gusto naming Ilonggo ang maging tema ng aming hapag-kainan at ang mga pagkaing inihahain namin ay mula sa pangpamayanang pakikipag-tulungan ng pamilya ay mga magka-kaibigan," sabi ni Camiña.

Tinalakay ni G. Arvin Villalon kung paano sinisuguro ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) ang pangangalaga at pagtataguyod ng ating katutubong pagkain at pamanang mga lutuing pagkain.

"Ang sining ng lutuing pagkain ay napakahalaga dahil nakapagbibigay ito sa atin ng kamalayan tungkol sa ating pagkatao, kasama ng pagpapatuloy ng ating lahi. Marami sa ating mga kabataan ay naghahanap ng mga bagay na mapaghuhugutan ng kanilang pagkatao. Pangalawa ay ang pagkakaisa ng lipunan na nagbibigkis sa mga tao. Kaugnay dito ay ang likas at maliwanag na pamana, kasaysayan, at mga kaugalian tulad ng paggalang natin sa mga naka-tatanda at pagka-malikhain," sabi ni Villalon.

Bilang isang online discussion na nagpapalaganap ng kaalaman sa kalusugan, kalusugang pangkaisipan, pangkapaligiran, at mga kasanayang pagbabagay klima, ang Stories for a Better Normal ay naglalayong baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya at mga pamayanan na magkaroon ng nakapag-papanatiling pamumuhay tungo sa mas malusog, mas ligtas at mas maayos na normal kesa dati nating nakasanayan.

Ang online discussion na ito ay magkatulong na inorganisa ng tanggapan ni Deputy Speaker Legarda at ng Climate Change Commision (CCC), katuwang ang Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), The Climate Reality Project-Philippines, and Mother Earth Foundation.