Build for Nature, Build with Earth

August 02, 2021 Monday


MAYNILA, ika-03 ng Agosto taong 2021 — Sa ika-55 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways”, ibinida ng mga panauhin ang kanilang housing at architectural structures na nagpapakita ng konseptong regenerative architecture at Earthen shelters na sadyang disaster- at climate-resilient.
 
Itinampok sa online na talakayan, na hango sa konsepto at pangunguna ng dating three-term Senator, at ngayo’y Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda kasama bilang co-host si Atty. Ipat Luna ang mga nature advocate at innovator na sina Architect Ronnie Yumang, ASEAN architect at environmental planner; at si Beau Baconguis, Earth builder at permaculturist. Sumali rin sa nasabing talakayan si Rhea Matute, Executive Director ng Department of Trade and Industry - Design Center of the Philippines.
 
“Ano’ng klaseng bahay ba ang bagay sa Pilipinas? Dapat iakma natin. Dito pumapasok ang disaster risk reduction. Mayroon tayong mga risks na hindi natin maiiwasan dahil na rin sa kalikasan. Maaaring bawasan natin ang ating risk o ang pagkakataon na tayo’y masalanta. ‘Yun ang DRR. Component n’yan, vulnerability. Dahil ang Pilipinas ay madalas tamaan ng bagyo, palakas nang palakas, patindi nang patindi dahil sa pagbabago ng klima, ay vulnerable tayo o madaling matamaan, pati na rin ng drought o ‘yung matinding tagtuyot. Apektado diyan ang pagkain, agrikultura, at fisheries. Proteksyon natin sa lahat ng elementong ‘yan ang ating tahanan,” pagbibigay-diin ni Deputy Speaker Legarda.
 
Ibinahagi ni Architect Ronnie Yumang, na siyang developer ng MAKA Forest Villas and Residences, kung paano nga ba ang regenerative architecture systems, isang sistema kung saan tuwirang nakikipag-ugnayan ang tao sa kaniyang kapaligiran higit pa sa ordinaryong saving at sustainability.
 
"Maski na mapuno pa natin ang mundo ng sustainable certified buildings, makatutulong ba itong mapabuti ang kalagayan ng kalusugan ng ating daigdig? Hindi lamang ito ang magiging solusyon, kinakailangan nating sumulong patungo sa isang regenerative solution. Kinakailangan nating simulang maibalik ang kasaganaang dating taglay ng daigdig. Ibig sabihin nito, kinakailangan ay punan natin ‘yung mga nawala instead na nagse-save lamang tayo, na ibalik kung ano ‘yung mga dating abundance na mayroon ang Earth,” pahayag ni Architect Yumang.
 
“Buong mundo, kumu-konsumo ng 10 billion tons ng semento at 50 billion tons ng buhangin kada taon. Nakakabahalang malaman na ang mga yamang ito ay nauubos at ‘di na natin maibabalik pa sa susunod na  200 milyong taon. Nauubusan na nga tayo ng buhangin sa kasalukuyan. Hindi ito pang-habang panahon, hindi ito unlimited. If we continue to overconsume, mauubos ito at sa pagdating ng panahon ay magmamahal ang presyo nito,” dagdag pa ni Architect Yumang.
 
Samantala, ipinakita naman ni Beau Baconguis ang mga dome, vault, at cylinder houses na maaaring makatagal at makaligtas sa mga climate hazards at magsilbing emergency shelters. Ipinakilala niya ang SuperAdobe pati na ang earthbag method sa paggawa nito. Ito’y isang building method na gumagamit ng basic elements ng lupa, tubig, hangin, at apoy – lupa, mga sako ng bigas at iba pang mga basic materials sa structures.
 
“Kinakailangan nating maintindihan ang mga building principles upang hindi natin mai-compromise ang structural integrity lalo’t higit kung ito'y tirahan ng tao. Kinakailangan nating dagdagan ang advocacy para sa Earth Architecture. Mayroong iba't ibang mga uri ng Earth Architecture methods na ginagamit dito sa Pilipinas at kinakailangan nating magkaroon ng mga network para lahat tayo ay maaaring magkaroon ng pag-uusap na magkasama,” giit ni Baconguis.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang Stories for a Better Normal na baguhin ang kaisipan ng bawat Pilipino at pamayanan sa mga hamon ng climate change at ng pandemya, tungo sa buhay na maka-kalikasan at sustainable sa ilalim ng ‘better normal’.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at Mother Earth Foundation.