September 05, 2021 Sunday
Programang pang-solid waste management ng Parañaque upang mabawasan ang problema sa kalat at plastic pollution. Litrato mula sa presentasyon ni Engr. Ma. Teresa Quioge, Supervising Environmental Specialist mula sa City Environment and Natural Resources Office of Parañaque.
MAYNILA, ika-6 ng Setyembre 2021 — Alinsunod sa pagdiriwang natin ng National Clean-Up Month ngayong Setyembre, sa ika-60 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways” itinampok ang ilang mga programa ng ating local governments at pribadong sector upang makatulong sa pagbabawas ng paggamit ng single-use plastics at makaiwas sa plastic pollution. Kasama rin ang pagtalakay sa bagong pasang House Bill 39147 o ang Single-use Plastic Products Regulation Act sa kamara.
Ang Stories for a Better Normal ay hango sa konsepto ng dating three-term Senator, ngayo’y Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda, at katuwang si Atty. Ipat Luna bilang co-host. Tampok sa episode ang mga panauhing sina Engr. Ma. Teresa Quiogue, Supervising Environmental Management Specialist mula sa Parañaque City Environment & Natural Resources Office; Mr. Vincent Alon, Muntinlupa City Head of Solid Waste Management Research & Training Division; Mr. Saar Herman, Chief Technology Officer ng Green Antz Builders, Inc.; at si Ms. Mharee Lynn Guillena mula sa National Clean Up Day Coalition Philippines.
"Huwag na tayong maghintay na matapos ang pandemic bago tayo sumunod sa warning o alarm ng ating planeta. Nakikita natin ang epekto nito sa ating mga buhay at kabuhayan, at sinasabi na ng mga eksperto sa agham na lalala pa ito,” iginiit ni Atty Ipat Luna.
Ibinahagi ng City Environment & Natural Resources Office ng Parañaque ang kanilang best practices at solid waste management programs kasama na rito ang deployment ng Bantay Kalikasan; CENRO at ng City MRF Operations; “Zero Plastics Sa Landfill” Project; “Upcycling” Livelihood Project; Plastic Ordinance Implementation; at Order Ni M.R.S.
“Waste management is a shared responsibility. Ito po ay hindi responsibilidad lang ng gobyerno, let us all be responsible sa sari-sarili nating waste,” sabi ni Quiogue.
Ibinahagi din ng local government ng Lungsod ng Muntinlupa ang kanilang mga solid waste management programs, tulad ng Bring-Your-Own-Bag (BYOB) Program.
“’Yung mga programang para sa ikabubuti at ikaaayos ng kalikasan, hindi na dapat natin itong pagtalunan, bagkus ay dapat natin itong pagtulungan,” sabi ni Alon.
Ipinakilala ni Mr. Saar Herman ang Green Antz building at housing solutions na nag-i integrate ng mga eco-friendly practices at green technologies sa kanilang mga produkto at mga serbisyo. Katambal nila rito ang private sector at mga local governments upang labanan ang plastic pollution at mabawasan ang mga basurang napupunta sa mga landfills, sa pamamagitan ng pag set-up ng isang recycling facility na syang magpo-process ng biodegradable wastes para maging composts, at plastics para maging eco-bricks.
“Dahil nga ang climate change ay tunay na nagbabadya at totoong agarang panganib sa kapakanan nating lahat, talaga ngang makatutulong kung gagawin nating lahat ang ating makakaya para harapin at matugunan ito, tulad ng pagbabawal natin sa plastic at mga basura. Sa isang bansa na tulad ng Pilipinas, kinakailangang maunawaan ang lawak ng bantang kinakatawan ng climate change at kung ano ang kinakailangan para tayo'y magtulungan at magkaisa,” sabi ni Herman.
Ibinahagi ni Ms. Mharee Lynn Guillena ang kanilang mga pagkilos sa mga usaping ukol sa ocean garbage at water waste na suportado ng grassroots campaigns. Bukod pa sa mga cleanup, nagko-kolekta din sila ng single-use plastics para lang mai-convert ang mga ito sa eco-bricks, pati narin ang pag o-organisa ng mga eco-brick workshops at online webinars.
“Huwag nating pabayaang wasakin, pagharian, at patayin tayo ng mga plastics. Magkaisa tayong lahat at pagwagian ang laban sa plastics,” sabi ni Guillena.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang Stories for a Better Normal na baguhin ang kaisipan ng bawat Pilipino at pamayanan sa mga hamon ng climate change at ng pandemya, tungo sa buhay na maka-kalikasan at sustainable sa ilalim ng ‘better normal’.
Na-organisa ang online na talakayang mula sa ugnayan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng CCC, na binigyang-suporta naman ng Department of Education at Philippine Information Agency, at ng civil society organizations na Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at Mother Earth Foundation.