Pangingisda sa Nagbabagong Klima, tampok sa ika-65 na episode ng seryeng ‘Stories for a Better Normal’

October 06, 2021 Wednesday


MAYNILA, ika-07 ng Oktubre 2021 — Pag-uusapan ang pangangalaga at pagpapanumbalik ng marine environment para buhaying muli ang fisheries sector ngayong ika-65 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang, “Pangingisda sa Nagbabagong Klima.”
 
Ang online na talakayan, na hango sa konsepto at pangunguna ng dating three-term Senator, na ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda, ay ipapalabas sa Huwebes, ika-07 ng Oktubre 2021, 10:00 AM via Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda. Dalawang masuwerteng manonood ang maaaring manalo ng mga tablet kung makakapag tune in sa buong programa.
 
Kasama sa online na talakayan sina Roberto “Ka Dodoy” Ballon, Chairperson ng Coalition of Municipal Fisherfolk Associations sa Zamboanga Sibugay at Ramon Magsaysay awardee para sa taong 2021; Ruperto “Ka Uper” Aleroza, National Anti-Poverty Commission Vice Chair for Basic Sectors; at Atty. Rhea Yray-Frossard, Fisheries Management and Campaign Research Manager ng Oceana upang pag-usapan ang mga climate resilience efforts sa loob ng fisheries sector.
 
Bilang isang arkipelago, napapaligiran ang Pilipinas ng malawak na marine at inland waters. Ang karagatan ng Pilipinas ay ang siyang nagtutustos ng pagkain para sa buong bansa, at ang pangingisda ay isa sa mga pangunahing industriya na nagbibigay ng kabuhayan sa milyun-milyong mga Pilipino.
 
Gayunpaman, unti-unting nababawasan ang marine productivity dahil sa environmental degradation at hindi epektibong pamamahala ng mga tao, at ang tuluyang pag-init ng mga karagatan dahil sa climate change na siyang pumapatay sa mga coral reef na nagsisilbing tirahan para sa mga marine wildlife. Bukod dito, ang hindi sustenableng pamamaraan ng pangingisda, tulad ng overfishing at illegal fishing, ang pinakalaganap sa lahat ng mga lokal na banta sa mga coral reef at marine wildlife. Lahat ng ito ay nagdudulot sa kabawasan ng isda sa mga karagatan at pagkawala ng pangkabuhayan ng mga mangingisda.
 
Tatalakayin sa episode ang mga kasanayan sa climate change adaptation pati na rin ang mga protection at restoration efforts ng ating mga mangingisda at mga grupong may kahalintulad ding adbokasiya upang higit na hikayatin ang pamahalaan na magbigay ng sapat na suporta sa fisheries sector.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan, kamalayang pang-kapaligiran, at mga kasanayan sa pakiki-angkop sa klima, naglalayon ang “Stories for a Better Normal” na baguhin ang kaisipan ng bawat Pilipino, mga pamilya at pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga paraan kung paano maisasakatuparan ang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Ang online na talakayan na ito ay na-organisa sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission, na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at Mother Earth Foundation.