May 23, 2020 Saturday
MANILA 24 MAY 2020 – Nanghikayat si Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda sa mamamayan na magtanim at magkaroon ng kani-kaniyang gulayan sa bakuran ng tahanan at pamayanan upang makapagdagdag sa suplay ng pagkain.
Sinabi ito ni Legarda sa ikalawang episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” isang online knowledge-for-action series ukol sa COVID-19 at climate emergency. Ang ikalawang episode ay tungkol sa mga pamamaraan kung paanong maski sino ay maaaring magtanim ng sarili nilang pagkain at kung papaanong mapapanatili ang urban at community gardens.
Itinampok ang mga payo ng mga panauhing tagapagsalita na sina: Assistant Director Rosana Mula ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI), Niccolo Aberasturi ng DowntoEarth PH, Patis Tesoro ng PatisTito Garden Café & Permaculture Farm, journalist at content writer ng Almost Diplomatic blog na si Carol Malasig, at Barangay Captain Sheryl Nolasco ng Barangay Potrero, Malabon.
“Sa pamamagitan ng urban home gardening at backyard farming, tinuturuan natin ang ating mga sarili kung papaanong maging self-sufficient, lalung-lalo na sa panahon ngayon ng pandemic at climate crisis. Sa pamamagitan ng simpleng pamamaraan, pwede nating i-convert ang mga bakanteng lugar sa ating mga bahay, maski na sa maliit na apartment o condo unit, at makapag-tanim tayo ng mga prutas, gulay, o mga halaman. Ang pagsisikap nating magkaroon ng “better normal” ay ang pagsisiguro din na mayroon tayong sapat na suplay ng pagkain sa ating mga tahanan,” sabi ni Legarda, na isa ring home gardener at may-akda ng House Bill No. 637 o Food Forest Gardening Act of 2019.
Tinalakay ni Assistant Director Mula ang programang “Plant, Plant, Plant,” ng pamahalaan na naglalayong madagdagan ang agri-fishery output ng bansa at suplay ng murang pagkain sa bansa. Ibinahagi din niya na tumutulong ang DA-ATI sa libreng distribusyon ng starter kits.
“Mayroong starter kits for households, para sa mga nakatira sa condominium, at para sa mga walang sapat na lugar. Ang nasabing kits ay naglalaman ng lupa, compost, buto, at may kalakip na detalyadong impormasyon kung papaanong mapapalaki ang mga halaman. Hinihikayat din natin ang pagkakaroon ng entrepreneurial spirit sa ating mga mamamayan upang makapagtanim ng pagkain na maaaring ibenta din sa kani-kaniyang mga pamayanan,” sabi ni Mula.
Binigyang diin naman ni Aberasturi ang basics ng food gardening, tulad ng regenerative agriculture at ang proseso ng mulching, pati na rin ang mga inisyatibo ng Down To Earth PH sa pagsulong at pagpalaganap ng compact ecosystems at vertical gardens.
“Dapat sabay ang pagtanim ng pagkain at paglinis ng kapaligiran. Importante ang organikong pamamaraan sa pagpapatubo: ‘yung tubig kailangan lang mawala ang chlorine para mabuhay siya. Dapat hindi natin papatayin ‘yung mga mikrobyo na nagpapabuhay ng mga halaman natin. In short, pakainin natin ‘yung lupa at ‘yung lupa ang magpapakain sa mga halaman natin,” sabi ni Aberasturi.
Tinalakay ni Tesoro, na isa ring matagal nang tagapagsulong ng heritage preservation at indigenous textiles, ang kaniyang karanasan sa “permaculture.”
“Ang proseso ng pagtatanim ay kadalasang nangangailangan ng masinsinang organisasyon. Hindi ka lamang magtatanim ng maski ano o basta na lamang makikipagsapalaran at baka ika’ mag-aksaya ng pera, panahon, at gastos. Ang permaculture ay ang pagaaral ng iyong tatanimang kalupaan at kapaligiran nang hindi kinakailangang magputol ng mga puno. Ito ay ang pagtatanim ng anumang likas na tumutubo sa iyong lugar, at pagsisikap na maging organic,” sabi ni Tesoro.
Ibinahagi naman ni Malasig, na nakatira sa Berlin, Germany, ang konsepto ng Kleingarten o “small garden” at kung paanong binibigyang halaga ng mga Aleman ang urban gardening bilang bahagi ng kanilang pamumuhay, lalung lalo na ang mga nakatira sa lungsod, sa mga apartments na walang sapat na espasyo.
“Para sa karamihan ng mga Germans, ang gardening ay isang napakahalagang bahagi ng buhay. Karamihan sa kanila, maski na doon sa mga nakatira sa lungsod, sinisiguro na mayroon silang kani-kaniyang tanim sa tahanan. Mayroon din silang tinatawag na “kleingarten,” kung saan ang mga mamamayan ay maaaring mag-apply ng permit sa gobyerno para gumamit ng maliliit na espasyo para sa isang garden. Siyempre, kinakailangan nila itong alagaang mabuti, at kung hindi, maaaring bawian sila ng permit,” sabi ni Malasig.
Ibinahagi din ni Barangay Captain Nolasco kung papaanong ang Barangay Potrero, sa tulong ni Legarda at ng Mother Earth Foundation, ay nagsulong at nagpatupad ng ecological solid waste management. Kinilala ang Potrero sa Best Solid Waste Management Program Award ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa taong 2016.
“Noong nakaraang tatlong taon, natutunan ng Brgy. Potrero ang ecological solid waste management at itinuro po namin ito sa 12,000 na mga kabahayan para bigyang importansya ang paghihiwalay ng basura. Ang unang Materials Recovery Facility ay nakatayo sa isang pribadong lote at ngayo’y nakapagpo-produce na ng gulay at medicinal plants na ipinamimigay namin sa karatig-lugar,” sabi ni Nolasco.
Ipinakita rin ni Deputy Speaker Legarda ang sarili niyang gulayan sa bakuran, at sinabing ang pagtatanim ng mga prutas at gulay sa tahanan at mga pamayanan ay isa sa mga paraan para masiguro na may masustansyang pagkain kahit sa gitna ng kasalukuyang krisis.
“Ang paraan para makasulong tayo tungo sa kinabukasan, ang paraan para mabuhay tayo sa panahon ngayon, ay ang hindi pagbalik sa kung papaano tayong namuhay noon. Isang malaking kamalian na para bang wala tayong natutunan sa ating mga pinagdadaanan ngayon. Ang better normal ay ang pamumuhay na mas sustainable, malusog, matatag at ligtas para sa lahat,” pagtatapos ni Legarda.