Gawing Environmentally-Sustainable ang mga Lungsod sa Pamamagitan ng Malawakang Urban Mobility Programs 

October 22, 2020 Thursday


MAYNILA, Ika-23 ng Oktubre taong 2020 – Naglahad ang dalawa sa mga Alkalde ng Metro Manila ng kanilang programa tungkol sa magaan na paglalakbay ng tao sa kanilang nasasakupan. Ang magandang proyektong ito ay nakaangkla sa tinatawag na “urban mobility solutions” na ibinahagi sa Episode 23 ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways," na may temang "Championing Sustainable Urban Mobility." 
 
Ang online talakayan na pinangunahan ni Deputy Speaker Loren Legarda bilang host at Red Constantino, Executive Director ng Institute for Climate at Sustainable Cities, bilang co-host, ay dinaluhan nina Mayor Vico Sotto ng Pasig City at Mayor Francis Zamora ng San Juan City. Mula sa pribadong sektor, nandoon din si Chito Bauzon, Assistant Vice President ng SM Supermalls. 

Sa pagdiriwang ng World Cities Day sa ika-31 ng Oktubre, ibinahagi ng episode na ito ang magagandang pamamaraan at diskarteng ginagawa ng mga lungsod para makapagbigay sa tao ng daan sa aktibong paggalaw at paggamit ng sasakyang hindi de-motor pero ligtas, gumagana nang maayos at nakabubuti sa kapaligiran.   
 
Ang mobility o kalayaan sa paglakbay-kilos ay isang bagay na talagang kailangan ng mga tao, hindi lang para para sa mga siyudad. Kung ano ang maganda para sa mamamayan ay makabubuti rin para sa ating klima. Kung pagtutuunang-pansin natin ang pag-unlad, makikinabang din ang pagbuti ng klima," ayon kay Red Constantino.
 
Sa Pasig City, ibinahagi ni Mayor Sotto ang pagsasagawa ng isang sistemang makatutulong sa “sustainable mobility” sa pamamagitan ng pagpapatayo ng “pemanent protected and pop-up bike lanes” at pagpapaluwag ng mga bangketa. Binanggit niya na mayroon din silang bike loan program para sa frontliners at mga empleyado ng lungsod. Ang mga pagsisikap na ito ay paraan para matugunan ang mga problema sa pagkilos at paggalaw ng tao. Binigyang-diin ni Mayor Sotto na mahalaga ang paghingi ng tulong sa gobyerno para masiguro ang tinatawag na “better normal”.  
 
"Maaari tayong makipag ugnay-tulungan kasama ang pamahalaan, humiling at pilitin nating magkaroon tayo ng mas mahusay na pampublikong transportasyon. Hingin nating mabawasan ang alokasyon ng road networks para sa mga pribadong sasakyan at gawin itong isang mas pantay na sistema para sa lahat. Hingin natin ang lahat ng mga bagay na ito para mahikayat ang gobyerno, mga grupo, at maipakita natin na kung tayo ay sama-sama, magagawa nating better normal ang new normal para sa lahat," diin ni Mayor Vico Sotto. 
 
Sa Juan City naman, sinabi ni Mayor Francis Zamora na ang pagtatanggol niya sa kalikasan ay isa sa mga “key points” ng kanyang 10-point agenda para sa pagsusulong ng isang 'Makabagong San Juan'. Tinalakay ng Alkalde ang mga patakaran at mga programa ng lungsod tulad ng Bicycle Ordinance 2020, hiwalay na daan para sa bisikleta at motorsiklo, police bike patrols, solar pit stops para sa pagkumpuni ng mga bisikleta, bike-sharing para sa mga empleyado ng lungsod, modernisasyon ng pampublikong sasakyan, at ang layuning makapagpatayo ng isang solar-powered na siyudad.   
 
"Mayroong mga pagkakataon noon na walang pakialam ang mga tao sa gobyerno, sa kapaligiran, pero ngayon, nagbago na ang perspective ng ating mga mamamayan, at lahat naman po ay nag-aalaga sa ating kalikasan. Marami kaming naipasang ordinansa na siya ring ipinatutupad sa pagpapanatili ng kalinisan sa ating lungsod," dagdag ni Mayor Francis Zamora
 
Maganda rin ang ang ibinahagi ni Chito Bauzon, Assistant Vice President ng SM Supermalls. Inisa-isa nito ang mga layunin at adhikain ng SM Supermalls na magkaroon ng bike-friendly communities para suportahan ang mga mahihilig magbisikleta, makapag-ambag sa pagkakaroon ng sustenableng mga lungsod at makatulong sa pagbabawas ng polusyon. 
 
"Paniniwala po namin, kailangan ng malawak na pagtingin, hindi lang natatapos ‘yan sa paglalaan namin ng bike lanes at mga pasilidad, kundi, ano [pa] 'yung puwede naming maitulong para mahikayat ang publiko o mga tao na magkaroon ng pagbabago ng ugali, magkaroon ng kaisipan na sumusuporta sa pangangailangan na makagawa tayo ng bike-friendly communities,” sabi ni Chito Bauzon. 
 
Ayon naman kay Deputy Speaker Legarda, ang adhikaing gawing bike-friendly ang mga lungsod ay kinakailangan pang palawakin sa tulong ng mga LGUs na nagpapatupad ng mga programa, kasama ang mahigpit na pagpapatupad ng ecological solid waste management. 
 
"Kailangan nating palawakin ang pagsasama-sama ng mga ginagawa tungkol sa ikagaganda ng kalikasan, hindi lang pagtatanim ng puno kundi pati na rin ang pagpapatupad ng ecological solid waste management, dahil ang bike lanes at ang paligid na iniikutan ng bikers ay importante," pagtatapos ni Deputy Speaker Loren Legarda.
 
Bilang isang online discussion na nagtataguyod sa kalusugan, kamalayan sa kapaligiran, at gawaing angkop sa klima,  ang “Stories for a Better Normal” ay naglalayong baguhin ang kaisipan ng mamamayan, mga pamilya at mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung paano magkakaroon at maipatutupad ang isang 'better normal' sa loob ng ating mga pamayanan. 
 
Ang online discussion na ito ay inorganisa mula sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na sinusuportahan ng Institute for Climate at Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines, at ng Mother Earth Foundation.