Suportahan ang Tradisyonal na Kultura, Sustenableng Kabuhayan sa Komunidad ng mga Katutubo   

October 29, 2020 Thursday


MAYNILA, Ika-30 ng Oktubre taong 2020 — Nagpakita ng kanilang mga kakaibang pamamaraan sa pangangalaga ng kultura at pamanang yaman ang ilang kinatawan mula sa ating ating mga katutubo o Indigenous People (IP). Nananawagan sila ng karagdagang suporta para tuluyang mapabuti ang kanilang katatagan sa pandemya at epekto ng klima sa ika-24 na kabanata ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways.”
 
Ang lingguhang online talakayan na pinangungunahan ni House Deputy Speaker Loren Legarda ay dinaluhan ng mga tagapagtaguyod at tagapagsulong ng mga katutubo at kultura. Nandoon sina Waway L. Saway, miyembro ng tribong Talaandig ng Bukidnon at Pinuno ng Food Security Cycle Program ng Hineleban Foundation; si Delia Pauden, Cluster Head ng mga Tribong Ati ng Antique at Aklan; at si Renee Talavera, Pinuno ng Cultural Communities at Traditional Arts ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
 
Itinuon ang usapan sa pagdiriwang ng  National Indigenous Peoples’ Month ngayong Oktubre at sa ika-23 na anibersaryo ng pagkakapasa ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) noong 1997. Ang special episode na ito ay naglalayong maiangat ang kamalayan sa mga dapat gawin ng iba’t ibang sektor ng lipunan para itaguyod ang tradisyunal na kultura at kabuhayan ng mga katutubo at ang kani-kanilang komunidad.  
 
Si Waway, isang international-renowned artist sa musika at sining, ang siyang nagpakilala sa Hineleban Foundation. Ang Hineleban ay isang organisasyon na naglalayong masiguro ang pinagkukunang tubig sa sa Mindanao sa pamamagitan ng reforestation ng buffer zones na nakapalibot sa matataas at bulubunduking bahagi ng lugar para makapagbigay ng iba pang sustenableng pagkakakitaan sa Bangsamoro at iba pang mga katutubo. Batay sa paniniwalang maging ang gubat o ang tao man ay hindi kayang umusad at mabuhay nang nag-iisa, nakatuon ang layunin ng Hineleban Foundation sa tatlong aspeto – kasiguruhan sa pagkain, pagpapanatili ng kabuhayan at pagtatanim ng puno. Tinalakay din ni Waway kung paano nagkakaisang gumawa ang iba’t ibang grupo sa Bukidnon at ibang lugar sa Mindanao para magkaroon ng “sustainable rainforestation” lalung-lalo na ngayong may pandemya.
 
Simula lamang ito dito sa Bukidnon, subalit ito ay gagawin natin sa buong Mindanao dahil ang Hineleban ay one of the key players of Mindanao rainforestation. Ibig sabihin nito, buong Mindanao ang ating ginagalawan, kasama na rito ang mga pamayanan ng mga kapatid nating Muslim,” dagdag ni Waway.
 
Si Delia Pauden, miyembro ng organisasyong Pandan-Ati na nagtuturo ng sayaw, musika, paghahabi at wikang Ati sa mga kabataang miyembro, ay nagbahagi kung paano sila tinulungan ng pamahalaan sa pangangalaga ng kanilang tradisyunal na kultura at pagpapanatili ng kabuhayan.  

Sa ngayon, unti-unti nang nawawala ‘yung tradisyon namin, ngunit sa pamamagitan ni Deputy Speaker Legarda at suporta ng  NCCA, nananalangin at umaasa kami na matulungang maibalik ang mga ito,” sabi ni Delia.
 
Mula sa National Commission for Culture and the Arts, ipinakilala ni Renee Talavera ang mga programa at proyekto para sa IPs tulad ng Assistance to Artisans Program at School of Living Traditions (SLTs) para buhaying muli ang katutubong kultura at pamanang yaman. Ang SLTs ay “non-formal centers of learning” sa mga pamayanan kung saan ibinabahagi ng cultural masters sa mga bata ang kanilang kaalaman at kakayahan sa partikular na art, craft at tradition para payamanin ang kanilang kaalaman at pagpapahalaga sa mga ito.
 
Ang SLTs, five years na nitong natutulungan ang communities hanggang sa maging sustainable na ang mga ito. Ganu’n din sa Assistance to Artisans, ang mga natulungan nito ay malaki ang pasasalamat dahil nari-reach natin kahit ‘yung mga nasa pinakaliblib na lugar kung saan mayroon pala silang mga pangangailangan na hindi kaagad nila mailapit dahil mahirap ang sitwasyon. Dahil sa Assistance to Artisans program, maraming mga tao at mga komunidad ang napasaya, lalo na ngayong panahon ng pandemic. Hindi tumigil ang ating mga programa at tuloy-tuloy pa rin tayo,” paliwanag ni Renee.
 
Ipinakita naman ni Deputy Speaker Loren Legarda ang ilang mga larawan ng kanyang mga programa, gawain at proyekto para sa ating mga katutubo na itinuturing niya bilang frontliners sa pangangalaga ng katutubong kultura. Iginiit ng Congresswoman na kailangang pangalagaan ang kanilang katutubong kaalaman, sistema at kasanayan. Binigyang-diin niya na kailangang siguruhin na ang budget na inilaan para sa IPs ay nagagamit nang tama at ginagastos para mapalawig at maprotektahan ang kanilang mga karapatan.
 
Kailangang magkaroon tayo ng sapat na safety protocols at support mechanisms para sa mga katutubo, ang NCCA at ang NGOs na katulong natin para alagaan ang ating katutubong kultura at pamanang yaman. Kailangan din nating masiguro na ang mga budget na inilalaan para suportahan mga katutubo ay nagagamit nang buo at nagagastos nang mahusay. Kailangan din nating irespeto ang kultura ng IPs. Huwag tayong gagamit ng kanilang kaalaman nang hindi nirerespeto ang kanilang karapatan, kultura at kabuhayan,” pagtatapos ni Deputy Speaker Loren Legarda.
 
Bilang isang online discussion na nagtataguyod sa kalusugan, kamalayan sa kapaligiran, at gawaing angkop sa klima,  ang “Stories for a Better Normal” ay naglalayong baguhin ang kaisipan ng mamamayan, mga pamilya at mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung paano magkakaroon at maipatutupad ang isang 'better normal' sa loob ng ating mga pamayanan. 
 
Ang online discussion na ito ay inorganisa mula sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na sinusuportahan ng Institute for Climate at Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines, at ng Mother Earth Foundation.