Panlipunang Pagmamahal para sa Sustenableng Pamumuhay ngayong Panahon ng Pandemya sa Episode 34 ng 'Stories for a Better Normal' 

February 08, 2021 Monday


MAYNILA, Ika-9 ng Pebrero 2021—Virtual na magtitipon-tipon ang ilang mga eksperto sa pagsusulong at pagsasabuhay ng sustainable living upang maipakita ang kanilang sari-sariling paraan ng pagmamahal sa mga usaping pang-agrikultura, pagkain at pamumuhay ngayong Valentines’ day, ika-34 na episode ng "Stories for the Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways" na may temang "Sustenableng Pagmamahal ang Makabagong Pag-Ibig, ngayong Panahon ng Pandemya".

Sa pangunguna ni dating Senadora at ngayo’y  Deputy Speaker Loren Legarda, mapapanood ang kabanatang ito ngayong Huwebes ika-11 ng Pebrero 2021, 10:00 AM sa Facebook Live 

Kasama sa nasabing online na talakayan ang mga eksperto na sina Chit Juan, Founder ng ECHOfarms at ECHOstore; Chef Jam Melchor, Head ng Slow Food Youth Network Philippines; at si Anna Manalastas na isang certified yoga teacher.

Matatandaang sa nakaraang mga episode, pinag-usapan ang iba’t ibang sustenableng mga kasanayang nakapagtataguyod ng pangangalagang pang-kapaligiran, na nagbibigay-diin sa ugnayan ng climate change at environmental issues kasama na rito ang consumerist culture.

Samantala, para naman sa episode na ito, hihikayatin ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng kaniyang mga panauhin ang lahat lalung-lalo na ang mga millennial Pinoys upang pangalagaan at itaguyod ang isang mapagmahal na ugnayan ‘di lamang sa kanilang mga mahal sa buhay, kundi pati na rin sa kalikasan.

Sapagkat ang pagdiriwang natin ng Valentines’ day ay isa ring okasyon para magpakita tayo ng pagmamahal sa kalikasan at pag-ibig sa kinagisnan at nag-iisa nating mundo at ituon ang ating mga pusong puno ng paninindigang labanan ang climate change sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng sustenableng pagpili at pagpapasya tulad na lamang sa pagkain at pananamit, at maging sa pagkilos sa gitna ng maraming iba pang mga bagay.

Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan, kamalayang pang-kapaligiran, climate-adaptive, ang "Stories for a Better Normal" ay naglalayong baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan  kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.

Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman ng Institute for Climate at Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at ng Mother Earth Foundation.