"Protektahan at Pangalagaan ang Lokal nating Industriya ng Paghahabi" — ayon sa mga Katutubong Pilipinong Manghahabi kasama ng mga Tagapag-Tanggol at Tagasulong ng Katutubong Industriya ng Paghahabi

February 21, 2021 Sunday


Halimbawa ng mga pekeng habi na natagpuan sa Baguio. Litrato mula sa presentasyon ni Gng. Rosalinda Salifad, manghahabi mula sa La Trinidad, Benguet.

MAYNILA, Ika-22 ng Pebrero taong 2021 — Binigyang-diin ni House Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda kasama ng mga panauhing tagapagsalita ang kahalagahan ng pangangalaga at pagprotekta natin sa mga gawang-habi kasama ng tradisyonal na pamanang kultura ng mga katutubong Pilipino laban sa pagpe-peke at pang-aabuso ng ibang mga taong walang konsensya na matatawag nating 'Kriminal ng Kultura' sa gitna ng ika-35 na kabanata ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways,” na may temang, "Protektahan at Pangalagaan ang Lokal nating Industriya ng Paghahabi!" na naipalabas sa Facebook Live.

Nagtipon-tipon ang mga katutubong manghahabi, mga tagapag-tanggol at tagasulong, kasama ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, na nakisali sa online paguusap-talakayan. Sila ay sina Virginia Doligas, General Manager ng Easter Weaving Room, Inc.; si Anya Lim, Co-Founder of Anthill Fabric Gallery; si Rosalina Salifad, manghahabi mula sa La Trinidad, Benguet; si Abigail Mae Bulayungan, President of PhilExpo CAR; Atty. Emerson Cuyo, Director of the Bureau of Copyright and Related Rights of the Intellectual Property Office of the Philippines; Abubacar Datumanong, Commissioner of Cultural Communities and Traditional Arts and Head of National Committee on Southern Cultural Communities of the National Commission for Culture and the Arts (NCCA); Edwin Antonio, Secretary of Cultural Communities and Traditional Arts and Head of National Committee on Northern Cultural Communities of NCCA; Remedios Abgona, Chief of the Fiber Utilization And Technology Division of the Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA); Commissioner Jennifer Pia Sibug-Las of the National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) - Central Mindanao; and Dir. Julius Leaño, Chief of the Research and Development Division of the Department of Science and Technology (DOST) Philippine Textile Research Institute (PTRI).

“Ito’y napakahalaga dahil ito’y pamana ng ating mga kapatid na katutubong Pilipino. Ito’y sakop ng ating mga polisiya at mga batas, ang pagprotekta sa ating tangible at intangible heritage – yung mga resilient livelihoods ng ating mga manglilikhang-sining at manghahabi,” nabanggit ni House Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda.

Tinalakay ng katutubong mga manghahabi at ng mga negosyante ang epekto ng dagsang bagsak sa merkado ng gawang makinang mga kumot at mga baro na sinasabi at inaakong mga anyong-habing mula Cordillera na dumadagsa dito sa lokal nating mga merkado na mula pa sa ibayong dagat, at ito ngayon ay nakakapinasala sa ating lokal na industriyang paghahabi.

“Nagsimula lahat ito noong isang taon, maraming nakapagsasabi sa amin na mayroong mga commercial cloth na ang hitsura ay kamukhang-kamukha ng design ng ating katutubong-habi. Hindi po kami nakatugon kaagad dahil wala naman po kami nakikita, ngunit pagkatapos itong mga nasabing pekeng mga materyales ay nagsimulang dumagsang-buhos sa Baguio, kung saan nabahala po kami at doon na po namin napatunayan na may mga fabric material na commercial na printed siya na katutubong disenyo at nalaman naming ito ay imported material mula sa China,” sabi ni Doligas.

“Malalaman kaagad sa embroidery at texture kung ano ang printed at original. Pag printed po, manipis. Ang akala namin, 'Buti na lang nakapasok yung mga gawa natin sa department store [dito sa Baguio]', pero nung nahawakan po namin, replica pala, kasi manipis at printed lang siya," sabi ni Salifad.

"Ang pagkakaroon ng mga huwad o pekeng barong-habi dito sa aming probinsya ay naka-aapekto sa marami naming mga manghahabi. Karamihan sa mga tao na hindi talaga sanay sa original or genuine woven fabrics ay pumapayag at pumipili na lang ng mga gawang kamukha at di naman orihinal. Yung ibang weavers dito, nagkakaroon na ng takot na habang kami ay mayroong limitadong kakayahan magtinda e ito namang mga replicas ay marami na ang bumibili sa kanila, kaya ang nangyayari, nandoon yung takot namin na mababawasan yung market namin, na sa kalaunan ay maka-aapekto rin sa pagbibigay namin ng trabahong gawain sa aming mga manghahabi," sabi ni Bulayungan.

“Bigyan natin ng halaga ang mga habi. Ito ay hindi lang basta basta sangkap o palamuti lamang sa fashion, hindi lang ito basta tela. Ito ay kwento ng kasaysayan, kwento ng ating pagka-Pilipino. Ito ay ikino-consider ng ating mga ninuno na kanilang second skin. Bigyan natin ng halaga ang paghahabi ng higit pa sa paglagay lang natin ng presyo sa habi. Ang tela ay gawa sa kamay, hindi gawa sa makina at maraming metikulosong proseso na pinagdadaanan ang paghahabi bago siya maging tela," sabi ni Lim.

Samantala, ang mga kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan ay naghayag ng kani-kanyang mga hakbanging makapagpo-protekta sa ating mga lokal na anyong paghahabi mula sa mga pagpe-peke at paghuhuwad. 

"Sa ngayon po meron pong ginagawang profiling, na sa kasalukuyan ay binubuo pa rin namin, pino-profile po namin ang lahat ng tradisyonal na produkto ng ibat-ibang mga pang kulturang pamayanan sa buong bansa, na syang bahagi ng NCCA Subcommittee on Cultural Communities and Traditional Arts sa kanilang taunang plano. Ito po ay isinasakatuparan ng ibang tagataguyod po kasama po ang ating mga cluster heads," sabi ni Commissioner Datumanong ng NCCA.

“Nahinto ang produksyon dahil sa pandemic tapos biglang ito po ang kahaharapin ng mga manghahabing Cordilleran, na meron palang mga produktong peke. Patuloy pa rin ang pag-aaral namin sa sitwasyon ngayon at meron kaming pinag-uusapan sa Subcommission on Cultural Communities and Traditional Arts na magkaroon sana ng talaan ng ibat-ibang textiles at designs ng mga cultural communities para sa gayon malaman din natin at magamit para sa pagtukoy at pagkilala ng different textiles,” sabi ni Sec. Edwin Antonio ng NCCA.

"Meron nang naririyang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Kagawaran ng Agrikultura at ng IPO na nilagdaan noong taong 2018. Ang pakay po ng MOU ay ang kilalanin at maitaguyod ang protection ng mga produktong nagtataglay ng tanda ng kanyang pinagmulan, mapalago ang kalidad ng produksyon, palakasin ang posisyon sa merkado, maisulong ang pantay-pantay na distribusyon ng kita para sa pambukid na mga pamayanan at makaambag sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya at pambansang pag-unlad," sabi ni Director Abgona ng PhilFIDA.

"Geographical indication po ang tawag sa sign na ginagamit sa mga produktong mayroong natatanging geographical origin, o di naman kaya ay merong mga katangian o reputasyon na maaaring makilalang mula sa origin na yon. Sa ngayon po, wala tayong sistema ng GI ngunit maaari itong maprotektahan sa ilalim ng kasalukuyang IP code bilang isang collective mark. Kung gusto ng ating mga pangkat o grupong katutubo na magkaroon ng kani-kanyang collective mark para sa kani-kanyang mga industrial weaves, pwede po silang mag-apply sa Intellectual Property Office," sabi ni Atty. Cuyo ng IPO.

“Alam natin na hindi lang paghahabi ang ating problema dito, kundi pati na rin yung sinasabi nating embroidery. Nagrereklamo rin po yung ating mga Manobo mula CARAGA dahil yung Suyam nila ay lumabas na rin sa merkado na peke rin yung materyal na ginagamit at pini-print na walang pahintulot sa ating mga komunidad. Dahil marami kaming natatanggap na mga reports na gumagawa yung mga "kriminal ng kultura", enterprising individuals o mga companies nating ng mga pekeng materials na hindi nagpapaalam sa ating mga komunidad, kaya nga't bumuo kami ng Task Force kung saan ito ang mag-iimbestiga ng mga ganitong paglabag sa karapatan ng ating mga katutubo,” sabi ni Commissioner Sibug-Las ng NCIP.

“Ang design component, ang proteksyon ng design, ay hindi agarang nasa ilalim ng ating mandato, pero dahil nga sa ating kakayahan at pagkakaroon ng  textile development, mayroon na ngayon tayong visualization app software kung saan maaaring maging bahagi na tayo ng  documentation ng two-dimension patterns ng lahat ng mga textiles sa buong Pilipinas. Nilalagyan na nga natin ngayon ng laman ang ating database sa ating textile product development center para po digitalized na yung ating mga designs,” sabi ni Dir. Leaño ng PTRI.

Para lamang mapalakas pa ang  traditional property rights ng ating mga IPs at maprotektahan ang kani-kanyang traditional cultural heritage, Isinulong ni Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda ang House Bill No. 7811 or An Act Safeguarding the Traditional Property Rights of Indigenous Peoples. Ang batas ay naglalayong pagbawalan ang posibleng pang-aabuso o pananamantala ng ating mga pamanang kultura, pinupunan nito ang ating mga pagkukulang at gumagamit ng conventional forms ng intellectual property, tulad ng copyright, royalty, at ownership.

Karagdagang isinulong ni Legarda ang House Resolution No. 1549 na siyang humihikayat sa House Special Committee on Creative Industry and Performing Arts na maglunsad ng isang  inquiry, in aid of legislation, ukol sa usapin ng counterfeit garments na nagmumula pa sa ibayong dagat na sinasabi at inaakalang gawa o barong habing mula Cordillera.

Bilang pagtatapos ni Legarda, aniya, "Ang sining at ang mga likhang sining ng ating mga kapatid na katutubo (IPs) ay nangangailangan ng masusi at malalimang proseso ng mangangalaga at pagpro-protekta. 'Di natin dapat hayaan na ang kanilang mga malikhaing gawang sining na mula pa sa kani-kaniyang mga pamanang kultura ay mapasailalim sa banta ng mga huwad at pekeng imported materials".