Mga Pilipinang Kampeon ng Resilience, tampok sa Ika-38 na Episode ng seryeng ‘Stories for a Better Normal’

March 16, 2021 Tuesday


MAYNILA, ika-17 ng  Marso taong 2021 — Alinsunod sa pagdiriwang ng National Women’s Month, pag-uusapan virtually ng mga Pilipinang lider sa usaping climate resilience ang makabagong mga gawain at pagkilos ng mga kababaihan ukol sa disaster risk reduction, climate change adaptation, at pati na rin ang national pandemic recovery sa ika-38 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang, “Juana Laban sa Krisis sa Klima at Pandemya: Kaya!”
 
Sa pangunguna ni dating three-term Senator at ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda, mapapanood ang episode na ito ngayong Huwebes ika-18 ng Marso 2021, 10:00 AM via Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda.
 
Kasama sa online na talakayan ang mga kababaihang kampeon sa larangan ng resilience na sina Atty. Lesley Jeanne Cordero, Senior Disaster Risk Management Specialist ng World Bank;  Ms. Lara Jean Salaysay, isang Climate Reality Leader at Project Development Officer ng Department of Education (DepEd); at si Ms. Louise Mabulo, United Nations Environment Programme (UNEP) Young Champion of the Earth 2019.
 
Matatandaang sa nakaraang mga episode, pinag-usapan sa online na serye ang sari-saring mga kuwento ng mga mamamayang Pilipino mula sa iba't ibang mga sektor at mga rehiyon sa bansa na patuloy na nakikibaka sa mga epektong dulot ng pandemyang COVID-19  at ng climate crisis.
 
Para sa episode na ito, bibigyang-diin ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng kaniyang mga panauhin ang ekstraordinaryong papel ng ordinaryong mga Juanas sa ating lipunan sa gitna ng pandemyang COVID-19, para lamang maka-inspire at ma-empower ang ating mga kababaihan, matanda man o bata pa na sila'y maaaring maging mga champions of resilience sa kani-kanilang mga paraan.
 
“Kapag binibigyang kakayanan natin ang kababaihang siguruhin na kaya nilang 'di lamang makasabay kun'di makaahon sa climate at disaster risks at tuluyan na ring mamuno at maging aktibong mga communicators sa usaping disaster risk reduction at climate change adaptation 'di lang natin mapipigilan na sila'y maging biktima ng mga sakuna, kun'di binibigyang pagkakataon din natin silang maging mga champions of resilience,” pahayag ni Deputy Speaker Loren Legarda, na isang UNISDR Global Champion of Resilience, UNFCCC National Adaptation Plan Champion, at Commissioner of the Global Commission on Adaptation.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.