Pagpaparami ng tanim na Kawayan sa Ika-39 na episode ng Seryeng ‘Stories for a Better Normal’

March 23, 2021 Tuesday


MAYNILA, ika-24 March 2021 — Kasama ang ilan sa mga tagasulong at eksperto sa usaping kawayan, tatalakayin ang pagtatanim ng kawayan at ang mga pagkakataong mapaunlad pa ang kabuhayan mula sa kawayan sa kasalukuyang "new normal" sa ika-39 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang  “Bamboo is Life!” Ito ang panghuli mula sa makaapat na episode na nakatuon sa pagsuporta sa resilient livelihoods.
 
Sa pangunguna ni Deputy Speaker Loren Legarda, mapapanood ang episode na ito ngayong Huwebes ika-25 ng Marso 2021, 10:00 AM via Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda.
 
Kabilang sa online na kuwentuhan na naglalayong makabuo ng mas malawakang pampublikong suporta para sa industriya ng pagkakawayan sina Deputy Speaker at Ilocos Sur First District Representative Deogracias Victor “DV” Savellano; Mayor Esmie Pineda ng Lubao, Pampanga; Philippine Bamboo Foundation President Ed Manda; at Architect Jed Michael de Guzman, isang bamboo material expert at agripreneur.
 
Matatandaang sa nakaraang mga episode, tinalakay sa online na serye ang papel ng industriya ng traditional weaving, pottery, at kape sa pagbibigay ng mga pagkakataong magkaroon ng sustenableng maka-kapaligiran na pagkakakitaang pangkabuhayan habang pinapangalagaan ang pamanang pang-kultura at lokal na  sining.
 
Samantala, sa episode na ito, bibigyang-diin ng mga panauhin ang taglay na potensyal ng bamboo industry bilang isang nature-based solution na makatutulong makapagpagaan sa kahirapan at malabanan ang epekto ng climate change.
 
Makalilikha ng green jobs ang pagpapalaganap ng mga kawayan tulad ng iba pang sustainable livelihoods para sa mga mamamayan sa mga rural areas.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.