“Dagdagan pa ang suporta ng pamahalaan para sa bamboo industry” – Ayon sa mga tagasulong at eksperto sa kawayan

March 28, 2021 Sunday


MAYNILA, ika-29 Marso taong 2021 — Binigyang-diin ng mga tagasulong at eksperto sa kawayan ang malaking potensyal ng Philippine bamboo industry sa pagbubuo at pagkakaroon natin ng sustenableng pangkabuhayan, socio-economic development at environmental protection sa ika-39 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways,” na may temang “Bamboo is Life!”
 
Pinangunahan ni dating three-term Senator at ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda ang online na talakayan, na panghuli mula sa makaapat na episode na nakatuon sa pagsuporta sa resilient livelihoods. Kasama bilang mga panauhin sina Deputy Speaker at Ilocos Sur First District Representative Deogracias Victor “DV” Savellano; Mayor Esmie Pineda ng Lubao, Pampanga; Ed Manda na presidente ng Philippine Bamboo Foundation; at Architect Jed Michael de Guzman na isang bamboo material expert at agripreneur.
 
“Bakit mahalaga ang kawayan para sa mga Pilipino? Tulad din ng kawayan, matitibay tayong mga Pilipino. Pangalawa, mahalaga ito economically, daan-daang taon na itong ginagamit sa ating mga tahanan. Fast-growing pa ito, renewable, at sustainable resource,” pahayag ni Legarda. “Ang kawayan ay maganda rin ecologically. Isa ito sa pinakamahusay na sequesterer ng carbon dioxide. Ayon sa Ecosystems Research Development Bureau (ERDB), nakapag-iipon ng mahigit-kumulang 40-44% na total na dami ng carbon ang matatandang mga kawayan mula sa kanilang biomass," dagdag pa ni Deputy Speaker Legarda.
 
Ibinahagi ng mga panauhin ang mga initiative na ginagawa sa kani-kanilang mga hurisdiksyon para masuportahan ang Philippine bamboo industry, pati na ang pagpapaunlad ng mas marami pang mga pagkakataon para sa mga nagta-trabaho sa loob ng sektor sa kasalukuyang new normal.
 
“Sobrang mahalaga ang potensyal ng industriya ng kawayan sa halos lahat ng aspeto ng buhay – sa kalikasan, kabuhayan, kaunlaran, at kinabukasan. Kaya itinatag namin ang ‘Kilusang 5K’ upang hikayatin ang sambayanan na magtanim ng kawayan upang ating matugunan ang climate change at global warming, pagbutihin ang air quality, wakasan ang kahirapan, at makapagbigay ng pagkakakitaang pangkabuhayan para sa lahat,” aniya ni Deputy Speaker Deogracias Victor “DV” Savellano.
 
“Dito sa Lubao, maliban sa Bamboo Park, mayroon din kaming nursery na mayroong 26 bamboo species. Sa tulong ng DOST at DTI, nagbibigay sila ng mga basic training kung papaano kami makagagawa ng produkto mula sa bamboo, tulad ng speakers, lamps, at frames. Sa kasamaang palad, natigil dahil sa pandemiya, pero nasa proseso pa rin kami ng paghahanap ng ibang bamboo species dahil gusto rin namin mag-propagate ng ibang species,” wika ni Mayor Esmie Pineda.
 
“Yung massive education campaign, kailangang pagtulung-tulungan. Sa pamamagitan ng education campaign sa ating mga farmer, mas maiintindihan nila ang economic uses ng kawayan. Kasi ‘pag wala silang education diyan at hindi nila naiintindihan, hindi nila papansinin ‘yung kawayan na nandoon lang sa bakuran nila,” sabi ni Ed Manda.
 
“Bilang arkitekto, sa side po namin, mayro’n tayong kakulangan sa suplay ng kawayan. At kung ano ang kakulangan na ‘yun, gumagawa tayo ng paraan kung papaano pa rin siya magagamit sa paggawa ng istruktura, paggawa ng furniture. At ang problema natin ngayon, maraming arkitekto, maraming contractor ang gustong gumawa na gamit ang kawayan, ngunit kulang sa carpenters, skilled laborers, at wood carvers para gawin ito,” kuwento ni Architect Jed Michael de Guzman.
 
Binigyang-diin ni Deputy Speaker Loren Legarda ang pangangailangan ng bamboo sector sa bansa ng technical at financial support mula sa pamahalaan upang gawin itong mas competitive sa parehong lokal at international na merkado para makapagbigay ng mga oportunidad gaya ng lokal na trabaho at makapaglunsad ng mga negosyong batay sa kawayan.
 
“Napakalaki ng interes, passion, initiative, at resources sa bamboo kaya lang, kalat-kalat e. Hindi natin masasabi na walang pondo, [dahil] ang daming pondo. It's just a matter of earmarking. Nasaan ang budget? Ano’ng programa o bureau o ahensya? Sa kabuuang budget, anong porsyento ang ilalaan sa kawayan? Kung walang line item, puwede pa ‘yang i-allocate sa areas ng bamboo production, planting, rehabilitation, conservation, at nurseries,” pagtatapos ni Deputy Speaker Loren Legarda.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.