Plant-based diets, ibibida sa ika-40 episode ng Seryeng ‘Stories for a Better Normal’

April 06, 2021 Tuesday


MAYNILA, ika-7 ng Abril taong 2021 — Hihimay-himayin virtually ng mga plant-based chefs ang kanilang kaalaman ukol sa diyetang mula sa mga luntiang mga halaman at gulay, at nang maiangat ang kamalayan sa kaugnayan ng pagkain at pagbabago ng klima ngayong ika-40 episode ng seryeng "Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang “Oh My Gulay!" Mapapanood ang episode na ito ngayong Huwebes ika- 08 ng Abril 2021, 10:00 AM sa Facebook live.
 
Kasama ni Deputy Speaker Loren Legarda na host ng online na talakayan ang mga mahihilig magluto ng sustenableng mga pagkain na sina Chef Mae Dolonius ng Studio Plantmade; Chef JR Royol, host ng GMA7 show na Farm to Table; at si Asha Peri ng Ecology of Food upang pag-usapan ang mga easy-to-do  na plant-based recipes.
 
Matatandaang sa nakaraang mga episode, tinalakay sa online serye ang kahalagahan ng pangangalaga natin sa ating lokal na mga pamanang pagkain sa pamamagitan ng sustenableng mga diyeta, pati na rin ang pagtatanim sa likod-bakuran, food gardening, pag-iipon ng mga binhi, at organikong pagtatanim ng mga prutas at mga gulay sa pamamaraang permaculture upang maipakita kung paano tayo maging self-sustainable at self-sufficient.
 
Para naman sa episode na ito, bibigyang-diin ni Deputy Speaker Legarda at ng kanyang mga panauhin kung paano makatutulong ang balanced diet, sa pamamagitan ng mga pagkaing hango sa luntiang halaman at gulay, na mapagaan ang epekto ng climate change at mga maaaring panganib na maidudulot nito.
 
Nagbabadya ng banta sa ating food security ang climate change. Mga tag-tuyot, pagbaha, pagtaas ng sea level, at mga matinding kaganapan sa klima na siyang nakaaapekto sa ating mga pananim at paghahayupan. Sa pandaigdigang kalagayan, tinatayang aabot sa 18% ang kabuuang greenhouse gas emissions na kaugnay sa livestock at pagkain ng karne. Dagdag pa rito, kapag kinakailangang i-biyahe pa ng malayong distansya ang pagkain bago pa man ito makarating sa hapag-kainan ng konsyumer, gagamit pa ito ng mas maraming enerhiya para lang sa transportasyon at preserbasyon, kung saan magdudulot pa ng mas malaking carbon emissions.
 
Bukod dito, ipinagdiriwang ang Filipino Food Month tuwing Abril alinsunod sa Presidential Proclamation 469 na nilagdaan noong 2018, na naglalayong siguruhin na ang culinary traditions at treasures ng bansa ay napahahalagahan, napapangalagaan, at naitataguyod upang masigurog maipapasa ito sa susunod pa nating mga salinglahi at nang masuportahan ang iba't iba nating mga industriya, mga magsasaka, at mga komunidad na pang-agrikulturang nakikinabang dito.
 
Sa pagdiriwang natin ng Filipino Food Month, makatutulong sa mga manonood ang paparating na episode upang kanilang maunawaan na nasa ating mga kamay ang pagtugon sa climate change – sa pamamagitan ng pagtangkilik ng lokal na mga luntiang halamang gulay at napapanahong mga pagkain, ang pagbili ng sariwang lokal na mga pagkain mula sa farmer markets at food supplies mula sa lokal na mga pamilihan, at pagtatanim ng prutas at gulay sa ating mga bakuran.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, at civil society organizations na Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.