April 11, 2021 Sunday
Mga panghimagas na gawa sa iba’t ibang klase ng gulay. Litrato mula sa PowerPoint presentation ni Chef Mae Viluan-Dolonis ng Studio Plantmaed.
MAYNILA, ika-12 ng Abril taong 2021 — Naging tampok sa isinagawang ika-40 episode ng Seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways,” na may temang “Oh My Gulay!”, ang mga pamamaraan kung paano magkakaroon ng sustenableng pagkonsumo ng pagkain sa pamamagitan ng mura at easy-to-do plant-based recipes, pati na ang kaakibat nitong malaking oportunidad at benepisyo sa usapin ng kalusugang pantao, kapaligiran, at sa ekonomiya.
Pinangunahan ni Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda ang nasabing online na talakayan kasama ang mga panauhin na sina Chef Mae Dolonius ng Studio Plantmade; Chef JR Royol, na host ng Farm to Table ng GMA; at Asha Peri ng Ecology of Food.
Ibinahagi ng mga panauhin ang kanilang mga karanasan kung paano sila naging taga-sulong ng plant-based lifestyle, at hinikayat ang mga manonood na subukan ang plant-based diet.
“During this time of the pandemic, may dalawang salita akong natutunan na sana maging convincing in transition to plant-based: asymptomatic at essential. Una, essential Alam dapat natin kung ano ang essential sa buhay natin. Pangalawa, asymptomatic. Hindi lang Covid ang asymptomatic, maraming sakit na biglang stage 4 na lang na hindi natin alam, at puwede nating maiwasan, kung ia-adopt natin ang plant-based lifestyle. Malaking tulong ito sa lahat ng pamilya natin," giit ni Chef Mae Dolonius.
"Isa sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng ganitong plataporma o pamamaraan ay ang lalo pang mapag-usapan ang benepisyo nito dahil nga itinatanong din ng marami kung ano ang magiging pakinabang nito para sa kanila? Kapag sinusubukan mong kausapin at turuan sila tungkol sa plant-based diet, lalo na ‘yung mga vegan dish o ulam, natu-turn off sila kasi 'di nila nakikita kung ano'ng kinakailangan nilang baguhin. Kaya ipinapakita natin ngayon kung ano'ng health benefits at environmental impacts. At pagkatapos, sa day-to-day na buhay ng tao, 'yung economical side din ‘yung gusto nating i-highlight. Ang paggawa ng plant-based diet ay 'di kinakailangang maging kumplikado. Ang plant-based diet ay 'di kinakailangang maging di-komportable," pahayag ni Chef JR Royol.
"I-encourage na mas i-integrate pa ang plant-based diet kahit hindi agad 100%. Importante po ang plant-based diet, eating more plants for our defense system lalo na ngayong may mga problema sa health, global crisis, environment, at climate change. At, very important ang diversity sa nutrition, kaya pinapauso ko itong undervalued and forgotten crops kasi ang daming nagsa-suffer ngayon sa malnutrition. Kung ida-diversify natin ‘yung diet natin at kakainin 'yung mga dati nating nalilimutan, then ito ‘yung susi sa very good nutrition natin. Hindi lang sa plant-based pero suportahan din natin ang lokal nating mga industriya, tulad ng organic farmers, non-GMO movement, at i-diversify o palawakin pa ang ating diet,” ani ni Chef Asha Peri.
Hinikayat naman ni Legarda ang mga manonood na bumili ng sariwang mga lokal na pagkain mula sa farmer markets at mga supply na pagkain sa lokal nating mga pamilihan, magtanim ng mga prutas at gulay sa bakuran.
“Sa buong 12 months ng pandemya, actually bago pa man tayo magka-pandemya, talagang nagtatanim na ako. Talagang praktikal na magtanim sa sariling bakuran. Kung may maliit o malaking lupa, sa probinsya man o sa siyudad, mahalagang magtanim. I believe in growing my own food. I believe in sharing the food that we grow. Naniniwala ako sa batas na aking ginawa -- ang Ecological Solid Waste Management Law, kung saan kinakailangan i-segregate ang garbage, mag recycle at compost, kaya ang bote, lata, at plastic, ay pwedeng tamnan,” pagtatapos ni Legarda.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.