April 13, 2021 Tuesday
MAYNILA, ika-14 ng Abril taong 2021 — Muling magtitipon-tipon virtually ang ilan sa mga kilalang sustainable food enthusiasts bilang pangalawang bahagi ng temang "Oh My Gulay!", upang magbahagi ng karagdagan nilang kaalaman ukol sa plant-based diets at makapagbigay kamalayan sa benepisyong hatid ng pagkaing plant-based sa lokal na ekonomiya, kalusugang pantao at kapaligiran ngayong ika-41 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways.” Ito ang pang-huling special episode para sa paggunita ng National Food Month.
Sa pangunguna ni dating three-term Senator at kasalukuyang Deputy Speaker Loren Legarda, mapapanood ang episode na ito ngayong Huwebes ika-15 ng Abril 2021, 10:00 AM sa pamamagitan ng Facebook Live at facebook.com/CCCPhl and fac
Kasama sa online na talakayan ang mga tagapagsulong ng plant-based na pagkain na sina Cherrie Atilano, Founder at CEO ng AGREA Agricultural Systems International; Roni Matalog, Founder ng Plants & Purpose; Chef Lilibeth “B” Camposano, Founder ng The Sexy Kitchen by B; at Adolf Aguilar, Chief of Youth Formation Division ng Department of Education (DepEd).
Maaalalang sa nakaraang mga episode, pinag-usapan sa online na serye ang kahalagahan ng pangangalaga ng lokal na mga pamanang pagkain sa pamamagitan ng sustenableng mga diets, pati na rin ang pagtatanim sa likod-bakuran, paghahalaman para may anihing pagkain, pag-iipon ng mga binhi, at ang pagtatanim ng mga organikong prutas at gulay sa pamamaraang permaculture upang maturuan ang publiko kung paano maging self-sustainable at self-sufficient.
Samantala, para naman sa episode na ito, mas paiigtingin nina Deputy Speaker Loren Legarda at ng kaniyang mga panauhin ang pagbibigay-diin sa plant-based diets bilang holistic approach sa pagpapabuti ng kasalukuyang sistema ng pagkain, at makapaghihikayat sa mga manonood na suportahan at palawakin pa ang mga kasanayang may kaugnayan sa sustenableng agrikultura sa bansa.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, at civil society organizations na Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.