Pagbabawal ng single-use plastics, tampok sa ika-42 episode ng seryeng ‘Stories for a Better Normal’

April 20, 2021 Tuesday


MAYNILA, ika-21 ng Abril taong 2021 — Alinsunod sa pagdiriwang ng Earth Day ngayong ika-22 ng Abril, pag-uusapan virtually ang mga panukalang-batas ukol sa pagbabawal ng single-use plastics sa buong bansa ngayong ika-42 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang, "The Single-Use Plastics Problem: Perspective From Policymakers.”
 
Sa pangunguna ni Deputy Speaker Loren Legarda, mapapanood ang episode na ito ngayong Huwebes,  ika-22 ng Abril 2021, 10:00 AM via Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda, bilang bahagi ng  Earth Day 2021 Webcast, "PINASiglang Mundo."
 
Kabilang sa online na talakayan sina  Rep. Edgar Chatto, Chair ng House Committee on Climate Change at Representative ng First District ng Bohol; Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, Chair ng House Committee on Ecology - Technical Working Group on Single-Use Plastics at Representative ng Third District ng Negros Occidental; at Mayor Noel Rosal ng Legazpi City, Albay, na syang Focal for Environment and Climate Change ng League of Cities of the Philippines.
 
Ini-organisa naman ang Earth Day 2021 Webcast ng Climate Change Commission, Department of Finance, Department of Education, Department of Environment and Natural Resources,  Tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda, at The Climate Reality Project Philippines, sa pakikipagtulungan kasama ang Break Free from Plastic Philippines coalition, Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, Local Government Academy, Union of Local Authorities of the Philippines, League of Cities of the Philippines, at British Embassy Manila, na sinusuportahan ng Philippine Information Agency, Philippine Center for Environmental Protection and Sustainable Development Inc., Odistry, GMA Network, at CNN Philippines.
 
Matatandaang sa nakaraang mga episode, tinalakay sa serye ang kahalagahan ng agarang pagbabawas ng plastic pollution at pagpapalawak ng kamalayan ukol sa mga negatibong epekto nito sa pampublikong kalusugan at kapaligiran.
 
Sa episode na ito, lalo pang bibigyang-diin ni Deputy Speaker Loren Legarda kasama ang kaniyang mga panauhin ang panukalang batas na siyang nagbabawal sa pagkakaroon ng single-use plastics bilang pangunahing adbokasiya na maaaring makapagpalakas at makapagpalalim pa ng pagdiriwang ng Earth Day ngayong taon.
 
Ngayong ika-22 ng Abril ang ika-51 na anibersayong pagdiriwang ng Earth Day, na naglalayong makapag-angat ng kamalayan at humimok ng suporta para sa pagkilos at proteksyong pam-planeta. Para sa taong ito, bibigyang-tuon ng temang “Restore Our Earth” ang pangangailangang matugunan ang pandaigdigang climate crisis at ang kaakibat nitong panggigipit sa ecosystems, biodiversity, pagkain at tubig, kalusugang pang-publiko at sa ating mga industriya at pamayanan.
 
Hihikayatin ng episode na ito ang mga stakeholders na suportahan ang lehislatibong pagkilos at pang-lokal na pagbabawal sa mga produktong gawa sa single-use plastic bilang epektibo at agarang pamamaraan upang matugunan ang mga problema sa polusyon at climate change.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng CCC na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.