May 24, 2021 Monday
Mahigpit na ipinatupad ang social distancing at health protocols habang ipinagdiriwang ang Pahiyas Festival. Litrato mula sa presentasyon ni Maria Jennifer L. Babat, Tourism Officer ng Lucban, Quezon.
MAYNILA, ika-25 ng Mayo 2021 — Binigyang-diin ng mga ahensya ng kultura at turismo mula sa iba't ibang mga probinsya sa bansa ang makabago, luntian, at sustenableng paraan sa pagdiriwang ng mga pistang Pilipino sa kasalukuyang panahon nitong ika-45 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways,” na may temang, “Sustainable and Green Philippine Festivals.”
Pinangunahan ni Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda ang nasabing online na talakayan na kung saan tampok sina Secretary Bernadette Romulo-Puyat at Assistant Secretary Verna Covar-Buensuceso ng Department of Tourism (DOT); Ms. Maria Jennifer Babat, Tourism Officer ng Lucban, Quezon; Mr. JC Cadiao Perlas, Provincial Tourism Officer ng Antique; Mr. Rommel Flogen, Artistic Director ng Dinagyang Festival sa Iloilo; at si Mr. Alphonsus Tesoro, Former Head ng National Committee on Central Cultural Communities ng National Commission for Culture and the Arts at sa ngayo'y Provincial Tourism at Cultural Affairs Officer ng Capiz.
"Tangkilikin at pangalagaan ang sariling atin. Kung iisipin natin, paano ang turismo, kabuhayan, at ang ating ipakikita sa mga kabataan, sa mga turistang lokal, at foreign tourists kung kalbo ang ating kabundukan, kung marumi ang ating mga ilog, kung mabaho ang mga nagkalat na basura, at hindi sinusunod ang mga batas pang-kalikasan,” pahayag ni Deputy Speaker Loren Legarda.
Ibinida ng mga panauhin ang kani-kanilang sustenable at makabagong mga pamamaraan sa pagdiriwang ng mga pista tulad ng Pistang Pahiyas sa Quezon, Pistang Binirayan sa Antique, Pistang Dinagyang sa Iloilo, at Pistang Capiztahan sa Capiz, at hinikayat ang ating mga pamayanan na isama ang sustenableng paraan ng pagdaraos ng mga online events, upang maiwasan ang aksayadong pagkonsumo, habang itinataguyod ang sustenableng pamumuhay, isinasagawa ang recycling, pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic, at sa halip ay ang paggamit ng eco-friendly na mga materyales.
"Ang mga pistang Pilipino sa gitna ng panahon at kampanyang better normal ay isang naaangkop na tema sa panahong ito dahil alam naman natin, na ang Mayo ay ang buwan ng mga pista dito sa Pilipinas. Ang mga pista na ito ay humahakot ng libu-libong mga manonood at kasama rin dito ang daan-daang mga kasali sa kaganapan - mula sa mga kasaling designers, dancers, make-up artists, at florists. Marami sa kanila ay nawalan ng pangunahing pinagkukunan ng pinagkakakitaan noong hindi itinuloy ang mga pista dahil sa kasalukuyang pandemya. Ngunit ang paglilipat ng mga pista online at ang paglikha ng mas maliit at mas ligtas na mga produksyon ay naging epektibong pamamaraan para mapanatili ang industriya ng turismo at ang hilig ng ating mga mamamayan,” ayon kay Sec. Romulo-Puyat.
"Slow food at slow travel ay kagaya rin ng isang pista ngunit ito ay mas maihahalintulad mo sa isang caravan. Habang tayo ay naghahanda para sa pag-restart ng tourism, ang ginagawa namin ay iniikot namin ‘yung mga food tourism destinations at naghahanap kami ng mga bagong experiences. Kung saan makikita ‘yung mga pinuntahan for a particular development of slow food at slow travel. Ang idea dito is for us to be able to put together festivals and celebrate our traditional cuisine, our indigenous resources, and our indigenous food tourism products," aniya Asec. Covar-Buensuceso.
“Nagsagawa po kami ng aming virtual San Isidro Pahiyas Festival na may temang 'Pagkalinga sa Kultura, Lucbangon Narito Na' which means 'Lucban, bangon in times of crisis'. Hindi katulad ng mga nakaraang Pahiyas Festival na halos lahat ng kabahayan ay nagpapahiyas, ngayong taon po na ito, ang aming opisina lamang ang pinahiyasan, ‘yan po ang Lucban Tourist Information Center sa gitna ng kabayanan ng Lucban. Kami sa San Isidro Pahiyas Festival Executive Committee ay nagdaos mula May 01-15, 2021 at ito po ay nasa Marcos Tigla Park. Ito po ay bahagi ng aming programa na Lucbangon Turismo,” pagbabahagi ni Ms. Maria Jennifer Babat.
"Sa gitna ng pandemyang ito, kailangan ng mga tao na magkaroon ng tinatawag na groundbreaking thinking within the box dahil sa iilang mga limitasyong hinaharap natin. Tulad ng ginawa at naranasan namin sa Pistang Binirayang, kung saan idinaos namin ang Pistang Binirayan sa palengke ng Kapitolyo kung saan ito'y siya na rin naging isang Food Market, at ang Binirayan Sikad Lagaw ay siyang aming naging pista ng bisekleta, at ang Binirayan Plant Fair," saad ni Mr. JC Cadiao.
"Bawat Dinagyang, nasa five judging areas lang kami na may stage, na may judges, na may spectator, but this time lumabas po kami sa comfort zone namin. Lumapit po kami sa environment - sa kalikasan, so we have several shoots po sa mga gubat, sa mga dagat. Outdoor lahat. Na-appreciate namin ang lahat ng mga district ng Iloilo and of course, ang mga magagandang tourist spot ng Iloilo City," sabi ni Mr. Rommel Flogen.
“Ngayon, nitong pandemic, kinakailangan natin maging innovative. Since nag-start itong ating crisis last year bumuo kami ng Recovery and Rehabilitation Plan di lamang para sa turismo kundi para na rin sa buong gobyerno ng probinsya... since wala tayong face-to-face events, tinutukan namin ang documentation at research. Isa rito ang mga sayaw Capiznon, lalong-lalo na maraming na-inventory sa gitna ng cultural mapping at marami pa ring na-research ang aming mga dance researchers na kasapi ng Philippine Folk Dance Society - South Capiz Chapter,” sabi ni Mr. Alphonsus Tesoro.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, at non-governmental organization partners na Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at Mother Earth Foundation.