Pinoy Changemakers, bibida sa ika-46 na episode ng seryeng ‘Stories for a Better Normal’

May 25, 2021 Tuesday


MAYNILA, ika-26 ng Mayo taong 2021 — Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Karagatan (Oceans Month) ngayong Mayo at sa paparating na World Environment Day ngayong ika-05 ng Hunyo, magsasama-sama virtually ang ilan sa mga kilalang young Filipino environmental advocates upang pag-usapan at makapagbahagi ng kani-kanilang kaalaman ukol sa pagtataguyod ng pakikilahok ng kabataan sa usapin ng pangangalaga at pagprotekta ng kapaligiran sa ika-46 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang, “Pinoy Changemakers.”
 
Pinangungunahan ni dating three-term Senator, at ngayo'y Deputy Speaker Loren Legarda ang episode na mapapanood sa Huwebes, ika-27 ng Mayo 2021, 10:00 AM via Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda.
 
Kabilang sa online na talakayan ang mga environmental advocates na sina Antoinette Taus, United Nations Environment Programme (UNEP) Goodwill Ambassador at Founder ng CORA at The Sustainable Planet; Carmela Ellaga, isang Fisheries Technologist; Gab Mejia, conservation photographer at environmental storyteller; at Ranielle Navarro, guro mula Albay Central School at 2021 NatGeo awardee.
 
Sa nakaraang mga episodes, pinag-usapan sa online na serye kung paanong nagsusulong at nagpapanatili ang mga kabataang lider ng kanilang mga climate initiatives sa gitna ng pandemya at naibabahagi ang ginamit nilang climate-friendly technologies at sustainable entrepreneurial ventures sa larangan ng renewable energy, at ecological solid waste management, bukod sa iba pang climate change adaptation at mitigation efforts.
 
Samantala, tampok sa episode na ito ang pagkilala sa mga environmental advocacies na sinimulan ng mga kabataang Pilipino, na siyang makapang-hihikayat sa mga manonood – lalong-lalo na ang kabataan – na maging malikhain at gamitin ang teknolohiya upang maging changemakers tungo sa isang better normal para sa kapakanan ng tao at kaligtasan ng mundo.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan, kamalayang pangkapaligiran, at mga kasanayan sa pag-angkop sa klima, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at isabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.