May 31, 2021 Monday
MAYNILA, ika-1 ng Hunyo taong 2021 — Binigyang-diin ng ilan sa mga kilalang young Filipino environmental at climate advocates ang papel ng kabataan sa paggamit ng kani-kanilang kakayahan sa pagiging malikhain at teknolohiya upang maging changemakers tungo sa isang better normal sa ginanap na ika-46 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways,” na may temang, “Pinoy Changemakers,”
Tampok sa talakayan sina Antoinette Taus, United Nations Environment Programme (UNEP) Goodwill Ambassador at Founder ng CORA at ng The Sustainable Planet; Carmela Ellaga, isang fisheries technologist; Gab Mejia, conservation photographer at environmental storyteller; at Ranielle Navarro, guro mula sa Albay Central School na kinilala bilang 2021 National Geographic awardee. Nagbahagi ang mga panauhin ng kani-kanilang mga environmental advocacies, at nagsulong ng makabuluhang pakikipag-ugnayan ng mga kabataan sa larangan ng pangangalaga at pagprotekta sa kapaligiran pati na ang pagpapanumbalik ng siglang-buhay ng mundo ngayong new normal.
Ibinahagi ni Taus kung paanong ang pagmamahal, tapang, at layunin ng isang indibidwal, ang siyang magtutulak para aksyunan ang lumalalang environmental degradation at climate change.
"Kung mayroong pagmamahal, katapangan at magandang layunin... Maaari mong ayusin ang lahat ng mga problema sa daigdig para sa parehong tao at mundo – pagmamahal para sa kapuwa tao at pagmamahal para sa kalikasan. At siyempre, ang lakas ng loob na kumilos para sa mga bagay na pinaniniwalaan. At layunin, paniniwalang maski ang maliliit na pagkilos ay sadyang napakahalaga kung ito'y makalilikha maski na kakaunting pagbabago lamang. Walang maliliit na pagbabago lamang at wala ring maliliit na gawang kabutihan. Ang lahat ng ito ay napakahalaga sa isang tao o di kaya'y para sa ating mundo," aniya ni Antoinette Taus.
Kinilala si Ellaga ni dating U.S. First Lady Michelle Obama dahil sa kaniyang pagsisikap na maprotektahan ang planeta, iginiit ni Ellaga ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao para makamit ang sustenableng kinabukasan.
“Ang konserbasyon ay ‘di nangangahulugang pagprotekta lamang sa mga hayop at kalikasan kun’di nangangahulugan din itong pagprotekta sa mga tao, at pagkilos kasama ang isa’t isa. Kinakailangan talagang magtulungan ang mga mamamayan, kaisa ang komunidad sa sama-samang pagkilos para sa pamamahala ng mga yamang baybayin at sa pagprotekta ng mga likas na yaman,” diin ni Carmela Ellaga.
"Bahagi ng pagiging isang conservation photographer ang kaalaman na ang konserbasyon ay hindi lamang tungkol sa pagprotekta ng mga kalupaan at ng mga hayop na mayroon tayo, kun’di tungkol din sa pagbibigay-lakas at pagproprotekta sa sangkatauhan na naninirahan dito - tulad ng lokal na komunidad, at mga mahihirap at napapabayaang mga pamayanan, pati na ang mga mulisipalidad na nakapalibot sa mga protektadong lugar. Dahil sa totoo lang, lahat tayo'y nakakukuha ng mga benepisyo mula sa kapaligiran, protektadong mga lugar, at biodiversity,” pahayag ni Mejia habang binibigyang-tuon ang papel ng photography sa sa pagbuo ng kamalayan at pagpapakilos sa kapaligiran at climate action.
Si Ranielle Navarro ay siyang utak sa likod ng “A Call to Solution: Goals for Environmental Oversight (ACS Geo),” isang proyekto na naglalayong linangin ang kaalaman ukol sa siyensiya, pamamahayag, at pamamahala sa kapaligiran sa pamamagitan ng digital storytelling, geocaching, at paggamit ng mga digital application tulad ng Marine Debris Tracker. Binigyan diin niya ang kahalagahan ng paglikha ng mga bagong oportunidad upang matuto sa kabila ng mga limitasyong dulot ng pandemya para higit na maimpluwensyahan ang iba na kumilos.
“Hindi lamang natatapos sa pagkukuwento ang aming solusyon. Iniimbitahan namin ang aming mga estudyante na maging citizen scientists at journalists sa pamamagitan ng Marine Debris Tracker App. Naniniwala kami na sa aming ACS GEO project ay maaari itong unti-unting mag-ambag sa pagligtas ng ating marine ecosystem. Kaya patuloy kaming lilikha ng mga oportunidad sa pagkatuto gaya ng proyektong ito para sa aming mga mag-aaral sa kabila ng remote learning setting sa gitna ng pandemiya,” sabi ni Navarro.
Bilang isang online discussion upang maisulong ang kalusugan, kamalayang pangkapaligiran, at mga kasanayan sa pag-angkop sa klima, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at isabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman mula sa Department of Education, Philippine Information Agency, Philippine Commission on Women, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines and Mother Earth Foundation.