“Panahon na para i-phase-out natin ang single-use plastics”

June 07, 2021 Monday


Photo from the presentation of Mr. Froilan Grate, President of Mother Earth Foundation. 



MAYNILA, ika-8 ng Hunyo taong 2021
 — Sa ika-47 na episode ng  “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways” na may temang “Uniting Against Single-Use Plastic”, itinampok ang mga kinatawan mula sa malalaking civil society organizations na nagsusulong ng pag-phase-out ng single-use plastic (SUP) at agarang pag-pasa ng panukalang-batas na Single-use Plastic Products Regulation.

 
Pinangunahan ni dating three-term Senator, na ngayo'y Deputy Speaker Loren Legarda ang nasabing online discussion na dinaluhan nina Froilan Grate, Regional Coordinator ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) at President ng Mother Earth Foundation; Atty. Gloria Ramos, Vice President ng Oceana Philippines; at Marian Ledesma, zero-waste campaigner ng Greenpeace Philippines.
 
“Umaabot sa 3 milyong metric tons ng basura at 500,000 metric tons ang plastic waste leakage kada taon. Ayon sa GAIA, tayong mga Pilipino ay gumagamit ng 59.7 bilyong piraso ng sachet kada taon. Sa 100 million Filipinos, kung lahat ay gumagamit ng sachet, lumalabas na kada tao ay nagtatapon ng 597 pieces ng sachet per year. Hindi biro ang bilang na ito. Karamihan sa plastic na basura na tinatapon ay hindi nareresikulo. Napupunta ito sa basurahan o di kaya sa dagat at di natutunaw ng daan-daang taon," ayon kay Legarda.
 
Iginiit ni Legarda na pag-isipan ang ating pagkonsumo ng single-use plastic.
 
Inilahad ng mga panauhin mula sa civil society ang kanilang mga programa at proyekto sa kabuuan ng pamayanan para matugunan ang mga problemang dulot ng plastic pollution. Ibinahagi rin nila ang mga plastic-free alternatives para sa lokal na mga negosyo at alternative delivery systems at reuse solutions.
 
“Sa loob ng isang zero-waste system, kailangang sistema talaga ang nakikita natin, where the recyclables are being collected para ibalik at magagamit ito ulit. Ang ating mga food scrap at basura mula sa kusina na nabubulok ay magagamit muli via composting methods. Yung residual, yung trash natin, dito pumapasok yung efforts ng ating mga mambabatas para i-address through EPR (Extended Producer’s Responsibility) or SUP (Single-Use Plastic) ban na moving na sa ngayon. With companies, we are pushing them to redesign their products at magbenta ng kanilang produkto na hindi gumagamit ng plastic. It’s a whole system, lahat tayo ay may papel na gagampanan, pero kailangan din na makita yung buong sistema,” sabi ni Froilan Grate.
 
“Alam nating lahat na ang solusyon ay nasa ating mga kamay, ngunit kailangan pa nating magsikap at pagbutihin pa, magkaisa, makipag-tulungan, at mahalagang mayroon tayong mga konsyumer na mulat at may alam, at talagang may pakialam sa decision-making.  Ang talagang layunin natin ay tuluyang mapigilan ang plastic pollution at the source. Kinakailangan na ring magpalabas na at maglathala ng listahan ng mga non-environmentally acceptable products and packaging ang National Solid Waste Management Commission. Malayo ang mararating nito sa pagpigil natin sa plastic pollution at the very source,” sabi ni Atty. Gloria Ramos.
 
“Umaasa talaga tayong mas maraming mga negosyo ang kusang magbago ng kani-kanyang mga sistema at maging mas maagap na makasabay sa bagong mga proseso na inilunsad, alinsunod sa kaisipang pagbabawas ng plastic use. Ang mga pagbabagong kanilang magagawa ay maaari talagang makapag-pabago sa pamamaraan kung paano magnegosyo ang mundo, at maaari rin nitong baguhin ang ating sistema for the better,” sabi ni Marian Ledesma.
 
Ang episode ay ipinalabas kasabay ng approval ng House Bill No. 9147 o ang Single-Use Plastic Products Regulation Bill sa pangalawang pagbasa. Ang panukalang-batas, na naglalayong i-phase out ang iba’t-ibang uri ng plastics sa susunod na mga taon, ay sponsored ng House Committee on Ecology kung saan pinamunuan at kapwang may-akda si Deputy Speaker Loren Legarda.
 
Si Commissioner Rachel Herrera ng Climate Change Commission ay nagpaabot rin ng mga gawaing pagkilos ng pambansang pamahalaan sa nabanggit na kampanya laban sa plastics. Ang lahat ng pagkilos-gawain na ito ay pinangungunahan ng Climate Change Commission (CCC) at Department of Finance (DOF), sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensya ng pambansang pamahalaan.
 
“Buo ang suporta ng Executive Department agencies para sa pagsasabatas nito, sa pamamagitan ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) Resolution No. 1 na sinimulang ipatupad ngayong taon, na nagpa-pahayag ng pagsuporta para sa national regulation at phase-out ng single-use plastics. Marami ring naka-pending na kaparehong bills sa Senado. Si Senator Manny Pacquiao ay nagsulong ng sarili niyang panukalang batas na Single-Use Plastics Regulation Bill (SBN 2262) noong nakaraan ika-1 ng Hunyo,” sabi ni Commissioner Herrera.
 
Nagsulong din si Deputy Speaker Loren Legarda ng House Resolution No. 1829, na humihikayat sa kongreso na magdaos ng inquiry sa National Solid Waste Management Commission at iba pang mga ahensya ng pambansang pamahalaan ukol sa pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act ng 2000 (Republic Act 9003), lalung-lalo na sa provision ukol sa non-environmentally acceptable na mga produkto o packaging.
 
“Mula nung naisabatas ang RA 9003 noong January 2001, dapat nakalista na yung mga pinagbabawal o phase-out na plastic, dapat na-implement, pero hanggang ngayon, 20 years na ang nakalilipasn ay wala pa ring listahan. Let us look into the non-implementation of the list ng mga ipinagbabawal sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Law,” Iginiit ni Deputy Speaker Legarda.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Mother Earth Foundation, Institute for Climate and Sustainable Cities, at The Climate Reality Project-Philippines.