June 20, 2021 Sunday
MAYNILA, ika-21 ng Hunyo taong 2021 — Sa ika-49 na episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways” na nag-tampok ng limang nagtatag ng zero-waste at makabagong mga community pantries na nagtataglay ng di lamang bukas-palad na pakikipag-kapwa, kundi pati narin sustainable na mga paraan para mabigyang inspirasyon ang mas maraming mga Pilipino na bawasan ang kanilang paggamit ng mga plastic packaging.
Ang online na talakayan ay hango sa konsepto ng dating three-term former Senator, na ngayo’y Deputy Speaker at Antique Representative na si Loren Legarda. Kabilang sa mga panauhin ang mga community pantry organizers na sina Adeline Almelor mula sa Brgy. San Miguel, Iriga City Camarines Sur Zero Waste Community Pantry; Jay-vee Mendoza ng Anahaw, San Pedro, Laguna Community Plant-ry; Edren Llanillo, Co-founder ng Go Bike Project sa Bugallon, Pangasinan; Maricon Alvarez ng Mother Earth Foundation (MEF) Malabon Community Pantry; at Evelyn Vergara, Founder ng the Community Reading Pantry ng Tabotong Elementary School sa Sarangani Province.
“Dapat hangaan ang mga community pantries sa innovation, sa bayanihan, sa unique na ugali ng mga Pilipino na tumulong hangga't kaya, at sa katapatan ng mga Pilipino” sabi ni Deputy Speaker Loren Legarda.
Ibinahagi ng mga guests kung paano pinapayagan ng kani-kanilang community pantry ang mga tao na mag-donate at kumuha ng mga pagkain at iba pang pangunahing mga pangangailangan nang libre, habang ang iba naman ay namamahagi ng mga gulay at halaman para tulungan ang mga tao na magtanim ng sarili nilang pagkain. Ang ibang mga pantry ay nakapag-bibigay din ng serbisyong pang-kalusugan at pang-edukasyon.
“Nakakataba talaga ng puso na maging daluyan ng pagtutulungan. Habang binibigyang-diin natin ang “gift of sharing", masaya kaming maipakita ito at umaasa na makahikayat pa ng iba na mayroong mga alternatibo sa single-use plastics,” sabi ni Adeline Almelor.
"Ang slogan po ng Anahaw Community Pantry ay 'Take what you can plant, share what others can sow.' Ito ay inspired sa community pantry ng Maginhawa bagaman nilagyan namin ng konting twist – ang sine-share namin dito ay mga halaman, mga punla at kaalaman sa pagtatanim," sabi ni Jay-vee Mendoza.
“Simple lamang ang konsepto ng GO BIKE Project. Una, mag-train ng mga kabataan para maging emergency responders, at maging first aiders sa panahon ng sakuna. Pangalawa, mag-customize, mag-disenyo ng mga bisikletang gagamitin nila upang tumugon doon sa mga aksidente, o para magbigay ng first aid sa sino mang nangangailangan ng tulong. It’s a combination of youth na biker volunteers, first aider, tapos meron na rin silang gagamiting bike sa pagliligtas natin ng mga buhay,” sabi ni Edren Llanillo.
"Nang dumating ang community pantry, naisip namin na ang ganda ng konsepto na tumutulong ka. Why not help the community na nakakausap natin sa araw-araw na i-embrace yung konsepto ng zero-waste," sabi ni Maricon Alvarez.
“Ginawa namin ang Reading Community Pantry na kung saan inilabas namin ang reading materials from our reading corner sa school at inilatag sa pantry, kasama ng mga snacks na binili galing sa sariling bulsa at iilang donors,” sabi ni Evelyn Vergara.
Ang community pantry ay isang serbisyong nakapag-bibigay ng mga goods direkta sa lokal nating mga mamamayan sa ilalim ng isang "trust system" kung saan ibinabandera ang slogan na, “Take what you need, give what you can.” Ang panimulang community pantry na nabuo sa gitna ng pandemya ay makikita sa Maginhawa Street sa Quezon City.
Hinikayat ni Deputy Speaker Legarda ang lahat kasama ng iba pang mga community pantries na gayahin ang sustainable na mga kasanayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga tao ng mga binhi at mga halaman upang makapag-tanim sila sa kani-kanilang mga tahanan sa halip na bigyan lamang sila ng mga instant foods.
“Hindi lang dapat bigay ng bigay, hindi tayo dapat forever na umaasa sa iba. 'Di lang natin dapat bigyan ng isda ang tao, bagkus turuan din natin siyang mangisda'. Sa ganitong pagkakataon, bigyan natin ang mga tao ng punla, para makapag-tanim siya ng sarili niyang pagkain. Bigyan natin ang mga tao ng pagkain, ngunit mas mabuting maturuan ang nga tao kung paanong makapagtanim sila ng sarili nilang pagkain,” pagtatapos ni Legarda.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at ng Mother Earth Foundation.