Saving Indigenous Plants sa ika-52 na episode ng Seryeng ‘Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways’

July 05, 2021 Monday


MAYNILA, ika-6 ng Hulyo taong 2021 — Magtitipon-tipon virtually ang mga eksperto para pag-usapan at maisulong ang napakahalagang papel ng mga katutubong halaman sa pagpapahusay ng ating biodiversity at sa pag-adapt natin sa climate change sa ika-52 na episode ng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Change Pathways,” na may temang, “Saving Indigenous Plants”
 
Ang online na talakayan, na hango sa konsepto ni Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda, ay ipalalabas sa Huwebes, ika-8 ng Hulyo 2021, 10:00 AM gamit ang Facebook Live sa facebook.com/CCCPhl at facebook.com/iamlorenlegarda.
 
Kabilang sa online na talakayan ay ang mga eksperto sa pangangalaga at pagpapalago ng mga katutubong halaman ng Pilipinas. Sila ay sina Architect Rey Solero ng Philippine Native Plants Conservation Society, Inc.; Ronald Achacoso, Curator ng Pinto Arboretum of Philippine Plants; Prof. Liezl M. Atienza, Registered Nutritionist-Dietician mula sa University of the Philippines Los Banos (UPLB); at Leo Fuentes ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura sa Mindanao.
 
Ang Pilipinas ay tahanan ng ilang katutubong halaman na mayroong ecological, cultural, at economic value. Subalit, sa paglaganap ng mga exotic o bagong uri ng mga halaman at pananim ay nahalinhan at naisantabi ang mga katutubong halaman, at ito ay may epekto sa ating natural ecosystems.
 
Ang pag-iipon ng mga binhi o seeds para sa malawakang paggamit, pagtatanim ng katutubong mga gulay sa ating mga tahanan at community gardens, paggawa ng bagong mga recipes gamit ang mga katutubong tanim, at ang pagprotekta sa ating mga endangered na katutubong halaman at iba pa, ay makatutulong upang mapangalagaan natin ang ating biodiversity at habitat para sa susunod na mga henerasyon.
 
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang "Stories for a Better Normal" na baguhin ang kaisipan ng mga tao, mga pamilya, at mga pamayanan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pamamaraan kung saan maaaring magkaroon tayo at maisasabuhay natin ang isang ‘better normal’ sa loob ng ating mga pamayanan.
 
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ng three-term na Senador at ngayo'y Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission (CCC) na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at ng Mother Earth Foundation.