July 11, 2021 Sunday
MAYNILA, ika-12 ng Hulyo taong 2021 — Sa ika-52 episode ng seryeng “Stories for a Better Normal: Pandemic and Climate Pathways” itinampok ang mga eksperto sa pangangalaga at pagpapalaganap ng katutubong mga halaman ng Pilipinas kung saan binigyang diin nila ang mahalagang papel ng mga ito sa pagpapabuti ng ating biodiversity at sa pag-adapt sa climate change.
Itinampok sa online na talakayan, na hango sa konsepto ng dating three-term Senator, na ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda ang mga Philippine indigenous plant advocates na sina Architect Rey Solero ng Philippine Native Plants Conservation Society, Inc.; Ronald Achacoso, Curator ng the Pinto Arboretum of Philippine Plants; Prof. Liezl M. Atienza, Registered Nutritionist-Dietician mula sa University of the Philippines – Los Banos; at Leo Fuentes ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura sa Mindanao.
Ang episode na ito, kasama ang isa sa mga nangungunang environmental lawyer ng bansa na si Atty. Ipat Luna, ay nagbigay-liwanag sa usapin ng pagtatanim ng mga halaman, puno at bulaklak mula sa isang ecological perspective – bakit kailangan nating sikaping magtanim ng mga puno at mga palumpong na katutubo, paano itinatabi at pinaparami ng mga katutubong Pilipino ang katutubong mga binhi, at anong mga katutubong halaman ang mainam na gamiting gamot at nakabubuti kalusugan.
"Sa ekolohiya, ang lahat ay magkakaugnay sa bawat isa. Kung tayo ay nabibighani sa pink flowers ng cherry blossom, itatanim natin yan dito, kung saan hindi ito nag co-evolve kasama ng iba pang mga species, nakatanim ito sa lupa na para sana sa isang Philippine tree na hindi makikita sa ibang bahagi mundo. Ang endemic nating mga puno ay nanganganib na maubos, ang anumang punong itatanim natin ay titindig sa lupang hindi ginamit para sagipin sila mula sa pagkaubos. Kaya naman sa bawat pagtatanim natin, kailangan nating piliin ang tamang mga halamang itatanim sa akmang habitat," sabi ni Atty. Ipat Luna.
Tinalakay ni Architect Rey Solero, na isa ring magsasaka at environmentalist, ang pangangalaga sa ating endangered na Philippine native plants and flora, at ang kanyang adbokasiya sa pagtataguyod ng sustainable and regenerative lifestyle sa pamamagitan ng paglikha ng mga man-made environments na konektado sa natural environment.
“Pag sinabing 'Save indigenous plants' parang gargantuan task - pero hindi po. Tayo po ay may malaking magagawa kahit hindi natin alam kung ano yung mga native o indigenous plants. Mag-compost po tayo, mahalin natin sila, start sowing, start appreciating, start conserving,” sabi ni Architect Rey Solero.
Ipinakilala ni Ronald Achacoso ang Pinto Arboretrum, isang botanical showcase ng katubong mga puno ng Pilipinas at iba pang mga plant groups na katutubo rin. Isinusulong ni Ronald Achacoso ang pagkaka-ugnay ng siyensya at sining, bilang dalawang magkaibang mga kasanayan.
“Kapag sinabi mong Arboretum, ito ay isang hardin ng mga puno. Sa katunayan, kung pupunta ka sa isang rainforest, bibihirang maituring mo ang mga ito bilang mga puno. Itong mga puno natin ay parang mga micro-habitats, maraming nakatirang halaman diyan, sa garden of trees I also incorporated all the other Philippine native plant groups,” sabi ni Achacoso.
Ibinahagi ni Prof. Liezl M. Atienza ang mga nutritional benefits na makukuha sa katutubong mga halaman ng Pilipinas at ang potensyal na mayroon ang Philippine berries.
“Ngayon po ay kulang pa ang pag-aaral sa ating sariling berries kaya kami po, as part of a research team in UPLB and also a dietitian and nutrition scientist, ang inaaral po natin ay ang ating mga native o indigenous berries. Ito po ay ang bignay, duhat at lipote. Naniniwala po tayo na ang ating Philippine berries and other indigenous crops ay mayaman sa bioactive compounds na may health promoting property. Maganda sa kalusugan, maganda sa nutrisyon, pampalakas ng immune system lalo sa panahon ng pandemya ay pwede ring maging source of income,” sabi ni Prof. Atienza.
Si Leo Fuentes, na Regional Coordinator para sa Mindanao ng MASIPAG – Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura, na isang pambansang network ng mga magsasaka, siyentipiko, at mga NGOs na nagsusulong ng sustainable na pamamahala ng ating biodiversity, ay nagbahagi tungkol sa Lalapung o ang tradisyonal na pamamaraan ng pag-iimbak ng binhi ng mga lumad.
“Tandaan po natin na ‘yung prinsipyo sa ecology na ito ay shared world. Sa ating pang-araw araw na buhay ay huwag po nating kalimutan na ang mga katutubo natin ay patuloy na nangangalaga sa ating kalikasan,” pagbabahagi ni Fuentes.
Bilang isang online na talakayan upang maisulong ang kalusugan at kamalayang pang-kapaligiran, naglalayon ang Stories for a Better Normal na baguhin ang kaisipan ng bawat Pilipino at pamayanan sa mga hamon ng climate change at ng pandemya, tungo sa buhay na maka-kalikasan at sustainable sa ilalim ng ‘better normal’.
Na-organisa ang online na talakayang ito mula sa pagtutulungan ng tanggapan ni Deputy Speaker Loren Legarda at ng Climate Change Commission na binigyang-suporta naman ng Department of Education, Philippine Information Agency, Institute for Climate and Sustainable Cities, The Climate Reality Project-Philippines at Mother Earth Foundation.